top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Dudang may kabit ang mister dahil ‘di makontak at matagal nang ‘di umuuwi

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 30, 2023
1 min read

ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | January 30, 2023


Dear Sister Isabel,


Ang problema kong isasangguni sa inyo ay tungkol sa asawa ko. Dati siyang tambay dahil walang trabaho, pero sa awa ng Diyos, may trabaho na siya ngayon, kaya lang, malayo sa probinsiya namin, kaya lingguhan siya kung umuwi.


May anim na buwan nang ganu’n ang sitwasyon namin, pero noong nakaraang buwan ay hindi siya nakauwi kahit minsan. Palagi raw kasi siyang busy sa trabaho at kahit chat o video call ay madalang na, hindi tulad noon na halos gabi-gabi ay nakikipag-video call siya sa amin ng mga bata.


Sa totoo lang, may kutob ako may babae siya. Malakas ang pakiramdam ko nambababae ang asawa ko, kaya balak ko siyang puntahan sa trabaho niya nang hindi niya nalalaman.


Gayundin, pupunta ako sa bahay na inuupahan niya para malaman ko kung nambababae nga ba siya o hindi. Tama ba ang gagawin ko? Sana ay mapayuhan n’yo ako ng dapat gawin.


Nagpapasalamat,

Melba


Sa iyo, Melba,


Huwag kang padalos-dalos sa pagpapasya, bagkus, magtanong-tanong ka muna nang palihim sa mga kasamahan niya sa trabaho o sa mga kasama niya sa inuupahan niyang bahay. Huwag ka basta-bastang susugod dahil malay mo, sigurong busy talaga siya sa trabaho at baka gusto niya na malaki-laki ang kanyang kita pag-uwi niya sa inyo. Kung linggo-linggo siyang uuwi ay magastos nga naman.


Marahil, may ibang dahilan para sa ikabubuti ng kabuhayan n’yo. Huwag kang masyadong judgmental, bagkus, dapat maging positibo ang iyong pananaw. Umaasa at dumadalangin ako na mali ang iniisip mo na nambababae ang asawa mo.


Hangad ko ang kaligayahan n’yong mag-asawa, gayundin ng inyong mga anak.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page