Dudang may iba na ang bf dahil busy sa work
- BULGAR
- Sep 20, 2022
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 20, 2022

KATANUNGAN
May boyfriend ako ngayon, pero nagkakalabuan na kami nang makapagtrabaho siya at na-promote bilang supervisor. Mula noon, naging masungit na siya at nawalan na ng oras sa relasyon namin, at kapag tinatawagan ko ay sinasabi niya na palagi siyang busy.
Totoo bang busy siya o baka may iba na siyang babae sa kanyang trabaho? Sa palagay mo, Maestro, magbabago pa ba siya at muli ba siyang magkakaroon ng oras sa aming dalawa?
Nanghihinayang at parang naaasar tuloy ako dahil ako ang nagpasok sa kanya sa trabaho, gayung hindi ko alam na ‘yun pa pala ang magiging dahilan upang lumamig ang pagtitinginan namin sa isa’t isa. Gayundin, natatakot ako ngayon na baka tuluyan na kaming maghiwalay.
KASAGUTAN
Para malutas ang iyong problema at magaan mong dalhin ‘yan, dapat bigyan mo siya ng “deadline” para hindi ka naman mainip sa paghihintay kung magbabago pa ba o hindi ang boyfriend mo. Isaalang-alang mo ang tanong na, “Hanggang kailan ako maghihintay sa boyfriend ko upang muli niyang ibalik ang dating init ng aming pagmamahalan? Hanggang Pasko ba, sa pagsapit ng 2023 o hanggang sa susunod na Araw ng mga Puso?”
Ganu’n ang dapat mong gawin — bigyan mo siya ng ultimatum, deadline o babala kahit hindi mo sinasabi sa kanya. At sa loob ng panahong ‘yun, kung hindi pa rin siya nagbago, ‘yun naman ang tanda na puwede mo nang sabihin sa iyong sarili na, “Dahil dumating na ang taning na ibinigay ko sa iyo, pero hindi mo pa rin nagawang ibalik ang dating init ng ating pagmamahalan, dapat lang na itigil ang ating relasyon.”
Kaya lang, ang maganda sa guhit ng iyong mga palad, hindi naman magaganap sa karanasan mo ang senaryong binanggit sa itaas dahil isa lang ang malinaw at magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.), na sinuportahan pa ng maganda at maayos na Heart Line (h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na kung bibigyan mo ng ultimatum ang iyong boyfriend —hindi naman sa isang himala, bagkus ay kusang mangyayari— bago sumapit ang Pasko, muling iinit at magiging okey ang relasyon n’yo.
MGA DAPAT GAWIN
Palagi nilang sinasabi na kaya nag-aaway o hindi nagkakaunawaan ang mga tao ay dahil kulang sa komunikasyon o pag-uusap, ngunit indi naman nila nililinaw kung ano bang pag-uusap ang dapat gawin.
Halimbawa, ang pag-aaway o samaan ng loob ng anak na babae at kanyang nanay, ano ba ang dapat pag-usapan at sabihin ng nanay sa makulit at tumimitigas na ulo na anak? ‘Yun ang problema sa ibang nagbibigay ng payo, magaling silang humugot ng salita, pero hindi naman aktuwal o malinaw na nagsasabi ng solusyon.
Sa kaso mo, Imel, tanungin mo ang iyong boyfriend kung bakit parang kulang na ang oras niya sa inyong relasyon. Kapag sinabi niya na busy siya sa trabaho, tanungin mo kung kailan siya mananatiling busy o kailan matatapos ang kanyang pagiging busy. Ipaalala mo rin sa kanya na kung habambuhay ka siyang magiging busy sa trabaho ay may hanapbuhay nga siya, pero nawalan siya ng mabait at magandang girlfriend. Kailangang masabi mo ito sa kanya upang hindi ka magsayang ng panahon sa kakahintay na magkaoras siya sa iyo, pero hindi na pala ‘yun mangyayari.
Habang, ayon sa iyong mga datos, posibleng totoo ang alibi ng iyong boyfriend, maaaring dahil sa bago niyang posisyon sa trabaho kaya busy siya. Kaya tulad ng nasabi na, basta’t kinausap mo siya nang malinaw, tulad ng nabanggit, sa taon ding ito, bago sumapit ang Pasko, mare-realize niya na kapwa kayo mahalaga ng kanyang trabaho. Kaya sa nasabing panahon, magagawa niyang i-manage ang kanyang oras para sa iyo at sa kanyang trabaho. Mararamdaman mo ‘yan sa susunod na mga buwan bago sumapit ang Pasko, kung saan muling iinit at magiging maligaya ang inyong relasyon.







Comments