Dudang may iba ang mister dahil biglang nawala at nagbago
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig |Pebrero 1, 2023
Dear Sister Isabel,
Ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa asawa ko. Okey naman siya at magkasundo kami, gayundin, mahal niya ang aming tatlong anak hanggang isang umaga ay bigla siyang nawala.
Hindi na siya nakauwi at hindi na makontak ang cellphone niya. Hindi ko rin alam kung ano ang nangyari sa kanya, kaya iyak ako nang iyak at pati mga anak namin ay tanong nang tanong kung nasaan ang tatay nila.
May nakapagsabi sa akin na namataan nila sa Cebu ang asawa ko na may kasamang babae.
Hindi ako makapaniwala dahil tatlong linggo siyang nawala. Buti na lang, umuwi na rin siya, pero ayaw niyang umamin na may iba siyang babae. Gayunman, halata ko na matabang na ang pagtingin niya sa akin. Pero hindi ko siya inaway, sa halip, tinanggap ko ang alibi niya na business transaction ang tinungo niya sa Cebu at hindi babae.
Sister, ano ang gagawin ko kung isang araw ay bigla na lang ulit siyang mawala at tuluyan siyang sumama sa babae niya? Nararamdaman ko na muli niya kaming iiwanan. Sana ay mapayuhan n’yo ako ng dapat kong gawin.
Nagpapasalamat,
Imelda ng Malabon City
Sa iyo, Imelda,
Sadyang ganyan ang buhay may asawa, darating at darating ang dagok ng kapalaran, pero kailangang manatili kang matatag, alang-alang sa mga anak n’yo. May mga lalaki talagang ganyan o sabihin na nating hindi kuntento sa isa. Men is polygamus in nature, ‘ika nga.
Ipinapayo ko na mag-usap kayo nang masinsinan. Kung talagang mas mahal niya ‘yung babae niya, ru’n siya kaysa naman nand’yan siya sa ‘yo, pero matabang naman ng pakikitungo niya.
Sabihin mo na lang na huwag na huwag niyang ulitin na mawawala nang hindi nagpapaalam.
Sobrang hirap kamo sa kalooban dahil hindi mo alam kung ano’ng nangyari sa kanya, gayundin, ipangako mo na uunawain mo kung mas pipiliin niya ang kabit niya at handa kang magsakripisyo para sa inyong mga anak. Gayunman, ipaalala mo na may tungkulin siya sa mga anak n’yo at kahit paano ay kailangan pa rin niyang magpakita sa mga bata.
Naniniwala ako na aamin din siya na may babae siya. Magiging mahinahon at makikipag-usap siya sa iyo nang maayos tungkol sa problema n’yo.
Sa kabilang banda, ipagdarasal ko na matanggap mo nang bukal sa kalooban ang anumang desisyon ng asawa mo. Sa huli, tiyak ko na sa iyo pa rin siya habambuhay kasama ng iyong mga anak. Tandaan, ang kabit ay kabit lamang, iba pa rin ang tunay na asawa.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments