top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Dudang ginayuma ang anak kaya sunud-sunuran sa misis

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 23, 2021
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | December 23, 2021



Dear Sister Isabel,


Hindi ko na matiis ang ugali ng manugang ko. Siya na ang nakikitira sa bahay ko pero siya pa ang mataray at walang respeto sa akin bilang biyenan niya. ‘Yung manugang kong sampid sa bahay ko ang siya pang walang galang. Napakabait ko kasi at wala akong kibo dahil hindi ako marunong makipagtalo, isa pa, taong simbahan ako kaya mahinahon ako.


Hindi ko alam kung ano ang nagustuhan sa kanya ng anak ko, siguro ay ginayuma ng babaeng ito ang anak at pakiramdam ko, may evil powers siya o may kaalaman siya sa karunungang itim. Under na under niya ang anak ko, kumbaga, sunod-sunuran sa kanya.

Ano ang dapat kong gawin, may alam ba kayong pangontra sa karunungang itim?



Nagpapasalamat,


Merlita ng Tondo


Sa iyo, Merlita,


Pangkaraniwan nang hindi magkasundo ang biyenan at manugang, at isa ka sa nasa ganyang kalagayan. Makabubuting ipagdasal mo nang taimtim ang manugang mo, lalo na’t ang sabi mo ay nararamdaman mong may karunungang itim siya. Prayer ang panlaban sa ganyang klase ng karunungan.


Makabubuti rin siguro na yayain mo siyang magsimba tuwing Linggo o isama siya sa mga prayer meeting at spiritual gathering. Maging mapagpasensiya at mahinahon ka sa pakikipag-usap sa kanya dahil malamang, kulang sa pagmamahal ang manugang mo.


Masyado sigurong abala ang anak mo kaya halos wala na siyang panahon para iparamdam ang pagmamahal na inaasam-asam ng iyong manugang, habang ikaw naman ay abala rin sa simbahan.


Uhaw siya sa pansin at pagmamahal ng mga taong nakapaligid sa kanya, kaya iparamdam mo na nand’yan ka upang ipadama ang hinahanap niyang pagmamahal.


Kausapin mo rin ang anak mo na bilang magasawa, kailangang magkaroon sila ng bonding moment ng kanyang misis.


Gayundin, ipaunawa mo sa iyong anak na napakahalaga ng bonding sa kanilang mag-asawa.


Bilang ina, nasa iyo ang susi upang igalang at mahalin ka ng manugang mo. Nakasalalay sa iyo ang pagbabago ng ugali niya, kaya kumilos ka hangga’t maaga. Gawin mo ang nararapat na gawin dahil sa awa at pagpapala ng Diyos, natitiyak ko na magbabago ng pakikitungo ang manugang mo.



Sumasaiyo,


Sister Isabel Del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page