Duathlon Event sa Pampanga, nasampulan ng PNP

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 13, 2020

Pinapaalala ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi pa pinapayagan ang mga malakihang pagtitipon tulad ng mga fun run at karera ng bisikleta sa ilalim ng mga inilatag na patakaran ng Inter-Agency Task Force (IATF). Noong Biyernes ay naglabas ng pahayag si DILG Spokesperson Usec. Jonathan Malaya tungkol sa isang team ng Duathlon na ginanap noong umaga ng Disyembre 6 sa Candaba, Pampanga na tinuloy na walang tamang pahintulot mula sa munisipyo.
Dahil dito, pinapunta ni Mayor Rene Maglanque ang Philippine National Police (PNP) para itigil ang karera na pinagsamang apat na kilometrong takbo, 24 kilometrong bisikleta at isa pang apat na kilometrong takbo. Ang karera ay orihinal na dapat gagawin noong Marso ngunit napilitang ipagpaliban muna dahil sa pagsapit ng krisis sa kalusugan.
Ayon sa paunang imbestigasyon sa mga saksi at sa social media ng ilang mga kalahok, maraming nakitang paglabag sa health at safety protocol lalo na ang hindi pagsuot ng maskara o face shield at pananatili ng agwat sa bawa’t isa. May mga atleta na galing sa labas ng Pampanga na kulang o walang papeles na lumakbay buhat sa PNP at may ilang mga nanood sa karera kahit bawal ito.
Humingi na ng paumanhin ang race organizer sa alkalde sa pamamagitan ng liham. May aplikasyon ang organizer subalit hindi ito pinayagan ng lokal na pamahalaan. Ang mga non-contact sports tulad ng pagtakbo o pagbisikleta ay pinapayagan sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) gaya ng Pampanga. Subalit ito ay limitado kung gagawing mag-isa at sumusunod sa health at safety protocol.
Nanawagan muli ang DILG sa lahat ng mga lokal na opisyal at PNP na manatiling alerto at hind pa tapos ang banta ng COVID-19. Dapat ding ipaalam agad ng publiko sa mga kinauukulan kung may mga ganyang pagtitipon upang maaga pa lang ay itigil na ito.





Comments