Drug lord, dapat unahing target sa drug war ni P-BBM
@Editorial | September 23, 2022
Todo-bida si PNP Chief, PGen. Rodolfo Azurin, Jr. na walang naitalang casualties ang pulisya sa kanilang mga naging operasyon laban sa ilegal na droga.
Una nang iginiit na kailangang ipatupad ng pulisya ang batas alinsunod sa tamang proseso dahil mahirap nga naman kung ang mindset ng kapulisan ay kailangang palaging may nasasawi sa tuwing nagsasagawa ng ganitong klase ng mga operasyon.
Mula noong Setyembre 1 hanggang 17 ay wala umanong naging casualties sa 1,790 na mga operasyong kanilang isinagawa kung saan naaresto ang nasa 1,952 na mga drug offenders at high-value suspects. Dito ay nasabat ang 67.8 kilos ng shabu, 194 kilos ng marijuana products, at 701,000 na tanim na marijuana na tinataya namang may katumbas na P625.1 million.
Grabe, talagang bumabaha ng droga sa bansa na, ilang buhay na kaya ang winasak ng bisyong ito?
Mas mainam sana, kung mas maraming drug lord ang nabibilanggo. Silang mga mismong may hawak ng sistema at kumikita ang unang target ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Batid naman natin na ang droga ang isa sa mga salot na lalong nagpapahirap sa lipunan. Kaya nitong wasakin ang buhay ng sinuman, walang pinipili.
Kaya hamon sa pamunuan ng PNP, hindi lang zero casualties sa drug war ang dapat tutukan, kundi lalo na ang malalaking tao na nasa likod nito.
Wala nang mas nakakabilib sa pagpapataw ng parusa sa mga astang untouchable.
At panawagan sa lahat lalo na ang mga nasasangkot sa ilegal na droga, may panahon pa para magbago, at ngayon 'yun.



Comments