Dragon, dapat mag-ingat sa pagkakatiwalaan dahil tatraydurin at pababagsakin
- BULGAR

- Mar 13, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 13, 2021

Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging kapalaran ng animal sign na Dragon ngayong Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012 at 2024, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Dragon.
Sinasabi ring sa lahat ng gawain, palaging buo ang loob ng isang Dragon at sobrang lakas ng tiwala nila sa kanilang sarili. Dahil sa taglay na kakaibang tapang na ito at enerhiya, lumalabas kadalasan ang kanilang pagiging dominante. Gayunman, kahit sila ay may pagkadominante, hindi sila nawawalan ng alalay o tauhan na sumusunod at inuutus-utusan niya, kaya tulad ng nasabi na, kadalasan ay napaliligiran ang mga Dragon ng mga tapat na tauhan at utusan na lalong nagpapayaman at nagpapalakas sa kanilang impluwensiya.
At dahil ang isang Dragon ay palaging masigla at punumpuno ng enerhiya sa kanilang buhay, hindi puwede sa kanya ang walang ginagawa dahil kapag ganito ang sitwasyon ng isang Dragon, pihadong manlulumo at magkakasakit siya. Kaya naman ang pinakamabuti, pinakadakila at pinakamapalad at pinakamayamang Dragon ay silang mga aktibo, palaging busy at maraming ginagawa. Sa puntong ito, bukod ang nasabing Dragon ay talaga namang magiging mayaman at dakila, tunay na sa ganu’ng sitwasyon lamang ng buhay, ‘pag maraming ginagawa ang isang Dragon, talaga namang siya ay magiging maligaya.
Kaya naman kapag ang Dragon ay naglayon o may gusto siyang abutin at talagang nagpokus siya rito, walang duda na ito ay kanyang makakamit. Karamihan sa Dragon ay sobrang laki ng nagiging tagumpay sa kanilang buhay, ngunit ang nakababahala, may mga sandali sa kanilang buhay na matatagpuan mong bigong-bigo naman sila.
Ngunit kung ikaw ay Dragon at minsan nang nabigo, nalungkot o nasawi sa anumang aspeto ng iyong buhay, hindi ka dapat mawalan ng pag-asa dahil sa lugmok na senaryo ng iyong karanasan, biglang bababa ang isang anghel na ipinadala ng langit upang hanguin ka sa kumunoy ng mga problema. At sa sandaling nahango ka na, ang mga dating yaman at karilagan ng iyong buhay at karanasan ay tiyak na muling ibabalik ng langit na mas maganda at bonggang-bongga kung ikukumpara sa mga nakaraan mong tagumpay.
Samantala, dahil palaging kinakikitaan ng pagiging buo ang loob at madali niyang na-e-express ang kanyang sarili, bagay na bagay sa isang Dragon ang negosyong may kaugnayan sa pagbebenta dahil may kakayahan siyang ibenta ang anumang bagay na walang kakuwenta-kuwenta. Bukod sa pagbebenta, ang isang Dragon ay bagay din sa mga career at negosyong siya ang mamumuno o namamahala. Dahil sa sandaling naging manager o tagapamahala ang isang Dragon, tiyak na lalaki at lalago ang anumang kumpanya o organisasyon na pamumunuan niya.
Gayunman, dahil sinasabing sobrang tiwala sa sarili at malakas ang loob ng isang Dragon, sa rurok ng kanyang tagumpay, dapat namang mag-ingat siya sa mga taong kanyang pagkakatiwaalan, ganundin sa mga taong nakapaligid sa kanya, dahil may babala ng walang anu-ano ay bigla siyang tatraydurin ng nasabing mga taong akala niya ay tunay na kaibigan. At ang pagta-traydor na ito ang siya namang ikinababagsak ng napakagandang kapalaran ng isang Dragon.
Itutuloy






Comments