DOT, todo-push sa direktang ayuda...
- BULGAR

- Aug 15, 2020
- 2 min read
para sa mga pribadong kumpanya sa turismo kahit ipinagbabawal ng batas?! Hmmm...
ni Ka Ambo - @Bistado | August 15, 2020
Alam ba ninyong may inilaan na P10-B pondo ang Kongreso bilang COVID-19 fund para sa tourism industry?
Ito ay bahagi ng panukalang “Bayanihan to recover as one Act” o mas kilala bilang “Bayanihan Act 2”.
◘◘◘
Naglalaway sa pondong ito si Tourism Sec. Berna Romulo Puyat na nagsasabing gagamitin ito sa lugmok na tourism industry.
Sinegundahan niya si Tourism Congress of the Philippine president Jose Clemente III na gamitin itong “dole out” o direktang ayuda sa mga pribadong kumpanya sa turismo na ipinagbabawal ng batas.
◘◘◘
Hiniling ni Clemente na ibalik ng Kamara de Representante ang inilagay na P10-B ng Senado sa panukalang Bayanihan Act 2 na pautang at tulong para sa tourism sector sa halip na ilaan para sa tourism infrastructure.
‘Yan ngayon ang target din mismo ni Puyat.
May P10-B na nilaan ang Senado sa bersiyon nito ng Bayanihan 2 para sa mga pautang sa tourism sector!
◘◘◘
Sa bersiyon ng Kamara, ang P10-B ay nilaan para sa infrastructure projects ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority’s (TIEZA).
Ang suporta para sa turismo ay nasa ilalim ng P51-B na ipapasok na kapital sa government financial institutions (GFIs) para maipautang sa iba’t ibang negosyong napeste ng COVID-19, kasama na ang tourism industry!
◘◘◘
Malinaw na imbes “cash dole out” na direktang ayudang sa tourism firms, nais ng mga kongresista na ilaan ito sa imprastruktura na makatutulong sa industriya ng turismo.
Ayon mismo kay Deputy Speaker LRay Villafuerte, bawal ang pagbibigay ng “dole out” sa mga pribadong kumpanya, na siyang pinupunto nina Puyat at Clemente!
◘◘◘
Nais ng dalawang opisyal na ilaan ang P9.50-B para matulungan ang mga may-ari ng hotels, resorts at travel agencies tulad ng Rajah Tours na pag-aari ni Clemente.
Pero, gusto ng Kamara, na idaan ang pagbibigay ng mga pautang sa tourism industry sa mga GFIs tulad ng Landbank at Development Bank of the Philippines!
◘◘◘
Mas maiiwasan ang pandarambong sa COVID-19 fund, dahil bangko ang mas nakakaalam kung sino ba ang dapat tulungan, magkano ang dapat ipautang at paano ito mababayaran.
Walang kakayahan ang DOT na gawin ito dahil hindi nila trabaho ang magpautang!
◘◘◘
Nakapagtataka kung bakit tila atat na atat si Puyat na makuha ng DOT ang P9.5-B, kasama na ang natitirang P500-M para umano sa “support programs” sa tourism industry.
Bakit kaya bigla na lang sumang-ayon si Puyat sa linya ni Clemente na hindi raw kailangan ng tourism industry ngayon ang imprastraktura gayong noon lang Marso ay pinagmamalaki ni Puyat na may P14-B ang TIEZA para sa infrastructure projects para maiahon ang turismo mula sa krisis ng COVID-19?
◘◘◘
Dapat nating maunawaan na ang “Build, Build, Build” infrastructure program ni P-Duterte ay pinagpatuloy sa gitna ng dahil ang imprastraktura ang makalilikha ng maraming trabaho para sa displaced workers.
Kasama na ang mga nawalan ng trabaho sa tourism industry!
◘◘◘
Ang infrastructure program mismo ang bubuhay sa ekonomiya at sasalba sa maraming sektor, kasama na ang turismo.
Dapat maging maingat ang gobyerno sa paggastos ng pondo na may kaugnayan sa pagrekober ng ekonomiya—upang hindi ito madambong ng mga kawatan!





Comments