Donation drives, dapat bantay-sarado vs. scammer
- BULGAR
- Nov 1, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 1, 2022
Malaking parte ng bansa ang nasalanta ng Bagyong Paeng.
Mapa-probinsya man at maging sa National Capital Region (NCR), maraming bahay ang nalubog sa baha, gayundin ang mga negosyo.
At tulad ng inaasahan, siksikan ang mga nasalanta sa mga evacuation center habang naghihintay ng tulong mula sa gobyerno.
Habang todo-kayod ang gobyerno upang mabilis na maihatid ang ayuda sa mga nasalanta, kaliwa’t kanang donation drive naman ang isinasagawa ng mga non-governmental organizations o NGOs.
May mga nagbabalak na mamigay ng tubig, pagkain, damit, hygiene kits, kumot atbp., kaya naman kani-kanyang tawag para sa donasyon ang mga NGOs. Bagama’t may mga tumatanggap ng pera, bukas din ang mga grupo sa mga in-kind donations tulad ng pagkain at damit.
Sa totoo lang, malaking bagay na nagkukusa ang ating mga kababayan na makatulong sa labis na naapektuhan ng bagyo. Kumbaga, kahit ang ilan ay nasalanta rin, pinipili nilang tumulong sa mga higit na nangangailangan.
Pero siyempre, kung may mga pursigidong tumulong, hindi palalampasin ng mga kawatan ang pagkakataong ito para makapanloko.
Kaya naman paalala sa mga nais magpaabot ng tulong, tiyaking lehitimong organisasyon ang kausap, at kung maaari, humingi ng pruweba sa miyembro ng NGO bago magpadala ng donasyon.
Sa panahon ngayon, kailangan nating maging matalino dahil wais na rin ang mga nais manloko.
Para naman sa mga nagsasagawa ng donation drive, makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang mas madali at maayos na mapaabot ang tulong.
Saanman nanggaling ang tulong, sa gobyerno man o NGOs, hangad nating makarating ito sa mga nangangailangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments