Dominic, knows mo na? PIKTYUR NINA RICO AT SUE NA MAGKAAKBAY, PINAGPIYESTAHAN
- BULGAR

- Apr 11
- 3 min read
ni Jonathan Talastas (OJT) @Special Article | April 11, 2026

Photo: Rico Blanco at Sue Ramirez - Instagram
Pinakilig ni OPM icon Rico Blanco ang mga netizens matapos nitong mag-post sa kanyang social media account kasama si Sue Ramirez na magkaakbay with matching caption of “B”.
Hindi naman mapigilan ng mga tagahanga nito na magtanong kung ito na ba ang bagong papalit kay Maris Racal o meron silang project na pagtatambalan.
Ang daming gustong maki-usyoso at naghihintay kung sino na nga ba ang bagong nagpapatibok sa puso ni Rico Blanco.
Hindi naman nagtagal, kinumpirma ng Regal Entertainment na opisyal nang gaganap si Rico Blanco bilang leading man sa kauna-unahang pagkakataon sa pelikula at ito ay sa romantic-comedy film na Project B.
Sa kuwento ng Project B, gagampanan ni Sue ang isang “type-A” at career-driven woman na may kumpletong life plan — kasama na ang paghahanap ng ideal na “baby daddy.”
Si Rico naman ang magiging love interest nito na magdadala ng kilig, gulo at romansa.
Hindi mapigilan ang tuwa ng mga supporters ng dalawa kaya napakomento sila sa socmed.
“Yun, oh!”
“Full support for both of you.”
“Hala! Totoo ba?”
Ayon sa Regal Entertainment, ang pelikula ay may halong modern relationship themes, career ambitions, at pagpapakahulugan ng sariling “family goals,” na binabalot ng comedy at romance.
Ibinida rin ng production na ang Project B ay magbabalik sa classic rom-com vibes ng early 2000s, pero nakaangkop sa makabagong henerasyon.
Makakasama rin sa pelikula sina Alice Dixson, Danita Paner, at Yasser Marta, sa direksiyon ni Eric Quizon.
Sa gitna ng adulting at seryosong buhay, paalala ng pelikula na may puwang pa rin para sa pag-ibig — at siyempre, kilig!
Fake news lang daw nu’ng bata pa siya…
HEART: NGAYON, KAILANGAN KO MABUNTIS, HINDI AKO MABUNTIS-BUNTIS
Nabanggit ni Heart Evangelista sa kanyang guesting sa Fast Talk with Boy Abunda na ang dating “fake news” na s’ya ay buntis, ngayon ay tila kanya nang pinapangarap.
Tinanong s’ya ng host na si Boy Abunda tungkol sa chismis o fake news na ibinato sa kanya noon.
Mabilis na sagot naman ni Heart, napagbintangan s’ya noong dalaga pa na nabuntis siya, ngunit pinutol niya ito at sinabing “Oh, my God! Nabuntis daw ako dati nu’ng bata ako, pero ngayon, kailangan ko mabuntis, hindi ako mabuntis-buntis.”
Sa kabila ng kanyang marangyang lifestyle at tagumpay sa international fashion scene, isang personal na laban ang matagal na niyang hinaharap — ang pagiging ina.
Matatandaang ibinahagi ni Heart na minsan na siyang nagdalantao, kabilang ang pagbubuntis niya ng kambal noong 2018. Ngunit sa gitna ng saya ay dumating ang matinding lungkot nang maranasan niya ang tinatawag na Vanishing Twin Syndrome — isang kondisyon kung saan ang isa sa kambal ay hindi nagde-develop.
Hindi nagtagal, nauwi rin sa mas masakit na pangyayari ang kanyang pagbubuntis — isang miscarriage na lubos na sumira sa kanyang puso.
Sa mga sumunod na taon, inamin ni Heart na nakunan siya uli, dahilan para lalong maging emosyonal ang kanyang journey.
Ayon sa aktres, hindi naging madali ang pagbangon.
“Hindi mo alam kung kailan ka magiging handa ulit,” aniya sa isang panayam.
Gayunpaman, hindi pa rin niya isinasara ang pinto sa posibilidad ng pagiging ina. Bukas din siya sa iba pang paraan tulad ng surrogacy.
Sa kabila ng lahat, patuloy na hinahangaan si Heart hindi lamang sa kanyang kagandahan at talento kundi pati na rin sa kanyang katatagan. Isa siyang patunay na kahit ang mga tila perpekto ang buhay ay may mga laban ding tahimik na kinakaharap.
Sa ngayon, nananatiling inspirasyon si Heart sa maraming kababaihan na dumadaan sa parehong pagsubok—na sa kabila ng sakit, may pag-asa pa ring naghihintay.





Comments