top of page

Doble ingat sa mga seniors ngayon… Para matutukan ang pag-aalaga sa tumatandang magulang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 27, 2020
  • 3 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 27, 2020




Mahirap talaga sa kalooban ang mapalayo ang isang anak sa tumatanda na niyang magulang. Kahit na ang pinaka-dedicated na anak ay hindi niya ngayon alam kung paano niya bibigyan ng sapat na atensiyon ang kanyang tumatanda at medyo sakitin na niyang magulang.


ANG HIRAP KAPAG MALAYO. Sa loob ng 10 taon bumibiyahe ng higit 100 km, isang beses sa isang buwan si Kathy mula Maynila hanggang Tarlac para lamang puntahan ang kanyang matanda nang nanay. Sa isang taon ay nababawasan ng once a month ang pagpunta niya minsan. Kapag suwerteng nahiram niya ang sasakyan ng mister ay dinadrayb niya ito o kaya naman ay nagko-commute siya. Nitong sumapit ang pandemya mas pahirapan dahil 2 buwan na walang biyahe, mabuti na lang at may tiyahin siyang kapitbahay nila roon na nag-alaga muna sa kanyang nanay at ngayong GCQ baka puwede na niyang iwan ang trabaho dahil 58-anyos na siya, ang 2 oras na biyahe at pag-aalala sa araw-araw ay balakid sa kanya. Kaya maaga siyang nagretiro upang mabantayan ang kanyang 86-anyos na nanay. “Kailangan kong gawin ito, pero mas mahirap naman kung sa ibang tao ko siya ipagkakatiwala. Mahina na si Inay at gusto ko’y mahalaga ang mga oras na makakapiling ko siya.”


At upang maging magaan kay Kathy na tulad niya’y may mahina nang magulang ngunit nasa malayong lugar ay narito ang makatutulong na strategy:


1. PLANUHIN ANG LAHAT BAGO DUMATING ANG EMERGENCY: Pagdating sa long distance caregiving para sa nagkakaedad ng mga magulang. Sa pagbisita dapat ay may pangunahin nang oportunidad na makagawa ng ilang preparasyon. Kailangan magkaroon ka ng support system ng mga kaanak, kaibigan o kapitbahay sa lugar.Kaibiganin silang lahat upang mas madali mo silang matawagan sa oras na kailangan ng titingin sa kanila. Alamin din kung saan tatawagan ang kanyang doctor o nurse na malapit sa inyong klinika.


2. KUMUHA NG KOPYA NG MEDICAL FINANCIAL AT LEGAL INFORMATION NG MAGULANG. Kabilang ang kanilang status sa Social Security System o SSS. Mga kasulatan na mapag-iiwanan niya ng ari-arian, power of-attorney paperwork at health care papers. Lahat ng ito ay maaring kailangan sa oras ng emergency. Ito ang mga kailangan mo nang malaman sa panahon na unti-unti nang nagiging sakitin o nanghihina na ang magulang upang mapangalagaan mo sila.


3. MAGTAKDA NG DOCTOR’S APPOINTMENT. Kumuha ng diagnosis mula sa impormasyon ng kaanak kabilang na ang masusing assessments kung ano na ang mga bagay na hindi na niya nagagawang mag-isa. Humingi ng payo sa geriatrician o mga espesyalista online kung hindi makakapunta sa ospital para sa anumang medical information.


4. HUWAG PILITIN KAHIT PASAWAY NA ANG MAGULANG. Isa pinakaimportanteng bagay na magagawa mo ay ikarangal ang pagiging independent ng magulang at tandaan na sila ay nagkakaedad na. Hindi mo sila dapat na pasunurin sa gusto mo,dahil sila pa rin ang magulang na dapat masunod. Kailangang pabayaan mo siya sa kalayaan na gusto niya sa kanyang sarili at gumawa ng sarili niyang pagpapasya kahit na mali dahil sa katandaan niya at memorya niya. Maliban lang kung ulyanin o may dementia. Kahit na pinipigilan mo ang tatay mo na magmaneho pa ng jeep sa edad niyang 84, hindi mo siya kailangang pigilan kung talagang ang bagay na iyon ang siyang ikinasisiya. Pero ngayong pandemic, bawal silang lumabas.


5. KONTRIBUSYON NG IBA PANG MIYEMBRO NG PAMILYA. Sa maraming pamilya, isa sa inyo ang magbibigay ng pinakamalaking responsibilidad sa pangangalaga, pero ang long distance caregiving ay higit pa sa ilang tao ang dapat gumawa nito.

Sinuman ang nakatoka na bumisita ay tatawag siya sa ilang miyembro ng pamilya at mga kaibigan. May kontribusyon ang mga hindi makakarating gaya ng pamasahe, pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan ng matanda

6. HINGIN ANG TULONG NG PROFESSIONAL CAREGIVER. Marami ang nais na mag-aplay bilang caregiver. Sila ang mga taong bihasa sa pag-aalaga ng mga matatanda o ng mga bata dahil sa kursong pinag-aralan nila. Mainam ito para sa may kakayahang magbayad.

7. MAGING BALANSE. Ang pangangalaga sa matatanda ay kailangan ng sapat na emosyonal at pisikal na kalakasan lalo na't bugnutin at marami nang kapalpakang ginagawa ang mga matatanda. Pinakamainam na mapalakas ng caregiver ang sarili hindi lang ang kanyang alagang matanda. Kumain ng tama, may hustong pahinga, mag-ehersisyo at magkaroon din ng oras para sa sarili. Ito'y mas maganda ang trato ng tagapag-alaga sa mga matatandang pasaway at mahirap nang unawain.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page