top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Dismayado dahil ‘di pala tulong ang ibinibigay ng kapatid kundi utang

BULGAR
Sep 15, 2021
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | September 15, 2021


Dear Sister Isabel,


Ako ‘yung best friend mo long time ago na madalas humingi ng payo sa iyo kaya alam kong ikaw lang ang makakatulong sa problemang dinadala ko ngayon. Nakapag-asawa ako ng seaman at may isa kaming anak na 5-anyos na. Ang problema, halos dalawang taon na kaming walang kontak, kaya hindi ko na alam kung paano itataguyod at palalakihin nang maayos ang anak namin. Nakikitira lang ako sa tatay ko pero namatay na siya. Siya pa naman ang tumutulong sa akin mula nang manganak ako.


Sa totoo lang, sobrang hirap at malungkot ako dahil wala kaming nakuha sa death at burial sa SSS dahil ‘yun daw ang sinabi ng manager sa ate ko. Pinadadalhan lang ako ng tiyahin ko kaya nakaka-survive kami kahit paano, pero kung wala ‘yun, hindi ko na alam kung ano’ng mangyayari sa aming mag-ina.


Sinubukan ko ring humingi ng tulong sa ate ko dahil walang-wala na ako, pero sabi niya, malaki na ang utang ko dahil sa grocery na ibinibigay niya sa anak ko. Buong akala ko, kusang loob na tulong ‘yun at ‘yun pala ay nakalista na. Nakakalungkot dahil hindi ako naging madamot sa kanila noong panahon na meron ako. Kung mag-isa lang ako, kakayanin ko ang hirap, kaso may maliit akong anak.


Araw-araw, nanonood ako ng misa at novena sa T.V para hindi ako ma-depress at maloka sa kakaisip sa aking problema.


Sister, sana ay mabigyan mo ako ng kaukulang payo sa dinaranas ko nang sa gayun ay matanggap ko nang maluwag sa kalooban ang ginawa ng ate ko sa akin at ang pagpapabaya ng napangasawa ko sa amin ng anak niya. Hihintayin ko ang sagot mo.


Nagpapasalamat,

Evelyn ng Makati



Sa iyo, Evelyn,


Mabuti naman at naalala mo ako, na-miss ko rin ‘yung bonding natin noon bilang mag-bestfriend. Sobrang lungkot ko nang mabasa ko ang nangyayari ngayon sa buhay mo. Sadyang ganyan ang buhay sa mundo. Ang inaakala mong nagmamalasakit sa iyo dahil kapatid mo ay siya pang nagdadamot sa iyo na para bang hindi ka kadugo. Sa totoo lang, hindi lang ikaw ang nakakaranas ng ganyan dahil halos sa bawat pamilya, kapatid ang nakakaaway pagdating sa partihan ng minana sa ama o ina na yumao na. At ito namang napangasawa mo ay dagdag-problema rin.


Lakasan mo pa ang loob mo, maging matatag ka sa takbo ng buhay sa mundo. Ipagpatuloy mo ang pagiging madasalin at pananampalataya nang walang alinlangan sa Diyos na makapangyarihan sa lahat. Ipaubaya mo ang problema sa Kanya dahil Siya ang lulutas sa mga problema mo sa kasalukuyan, basta’t taimtim at walang sawa kang magdarasal araw-araw.


Pagsubok lang ang lahat ng ‘yan at sa sandaling malagpasan mo, naghihintay sa iyo ang sunod-sunod na biyaya at mga pagpapala.


Take care of today’s problem, leave tomorrow in God’s hand. Hindi ibibigay ng Diyos ang mga pagsubok kapag hindi mo ito kaya. Malalagpasan mo ang lahat ng ‘yan, gaanuman kabigat ang dinadala mong problema sa kasalukuyan. Dinanas ko rin ang napakatinding pagsubok at halos sumuko na ako pero hindi ako bumigay. Tuloy-tuloy akong nagdasal at dinagdagan ko pa ang paglilingkod ko sa Kanya. Heto ako ngayon, fulfilled at maligaya na sa buhay. Prayer is the key, because God hears, God listens and God will provide.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page