- BULGAR
Diskarte sa pagtitipid, galingan pa
@Editorial | May 29, 2022
Tulad ng inaasahan, may panibago na namang paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon sa oil industry management bureau, ilang oil firms na ang nag-abiso ng magiging paggalaw sa presyuhan ng mga produkto.
Ang halaga ng diesel ay inaasahang tataas mula P1 hanggang P1.20 kada litro.
Habang ang gasolina naman ay bababa ng P1.50 hanggang P1.60 para sa bawat litro.
Ang nasabing price adjustment ay maaari pang magkaroon ng mga pagbabago sa mga susunod na araw.
Bukod sa nasanay na ang publiko sa lingguhang pagbabago ng presyo, napapansin na rin ang kakaibang presyuhan. Kapag price hike, sobrang taas pero 'pag rollback, ang baba. Tipong 'pag sinuma, grabe na ang itinaas at hindi na natin alam kung may bawi pa ba.
Ang tanging magagawa ay mas galingan ang diskarte. 'Yung ginagawang pagtitipid, mas hihigpitan pa.
At walang ibang inaasam ang taumbayan kundi ang makaraos sa sitwasyong ito.
Umaasa na ang susunod na administrasyon ay may magagawa na para makontrol ang presyo ng petrolyo o kung hindi man ay para lang makasabay sa pagtaas ng mga bilihin at serbisyo na may kaugnayan pa rin sa langis.
Unti-unti nang nabubuo ang gabinete, tiwala tayo na sila ang pinakamagagaling, matalino at madiskarte pagdating sa ekonomiya.
Ang pagbangon ng bayan ay nakasalalay sa kanilang mga plano at bubuuing sistema.
Samantala, tayo namang mamamayan, panatilihin ang pagiging responsable at makiisa sa magagandang layunin ng pamahalaan.