Disaster Response System, palakasin pa
@Editorial | July 31, 2022
Mismong si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na ang nagpahayag ng pagkabahala sa tinatawag na “extreme weather”.
Ito ay kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Northern Luzon.
Aniya, magaling na ang ‘Pinas sa pagharap sa bagyo at marunong na rin sa lindol pero, kailangang maging handa sa panganib at epekto ng climate change.
Kaugnay nito, suportado umano ng Punong Ehekutibo ang panukalang batas na lilikha ng Department of Disaster Resilience (DDR).
Batid naman natin na madalas tayong tinatamaan ng kalamidad.
Bagama’t may mga ahensya na nangunguna sa mga ganitong sitwasyon, maaaring iba pa rin kung may specialist agency na tututok.
Isang departamento na maghahanda, magtuturo at mangunguna sa mga komunidad sakaling tumama ang bagyo, lindol at iba pang natural disasters.
Departamento na bago pa dumating ang bagyo at iba pang kalamidad ay nakikipag-ugnayan na sa mga Local Government Units (LGUs), nakaposisyon na ang relief goods at nailikas na ang mga residente mula sa delikadong lugar.
At hindi rito natatapos ang mandato, dapat magsilbi ring kaagapay sa pagbangon at pagbabalik agad sa normal ng mga sinalantang lugar.
Panahon na para mas mapalakas ang disaster response system ng bansa.



Comments