by Info @Editorial | Oct. 28, 2024
Sa harap ng patuloy na pagtaas ng insidente ng mga kalamidad — mula sa bagyo, pagbaha hanggang sa lindol at iba pang sakuna — napakahalaga ng papel ng mga Local Government Unit (LGU) sa pagpapaigting ng mga hakbang para sa disaster preparedness and response.
Ang LGU ang nasa frontline kontra kalamidad, kaya’t nararapat lamang na palakasin ang kanilang kapasidad at kakayahan upang mas epektibong maprotektahan ang komunidad.
Isang pangunahing hakbang ay ang regular na pagsasanay para sa mga lokal na opisyal at volunteer responders. Dapat maging bahagi ng regular na programa ang mga seminar at workshop na nakatuon sa disaster risk reduction and management.
Gayundin ang maayos na paghahatid ng impormasyon sa mga residente tungkol sa tamang paghahanda at mga hakbang na dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng kalamidad.
Tulad sa ibang programa at proyekto, napakahalaga na may sapat na pondo para sa disaster preparedness. Marapat na matukoy ang mga lugar at imprastruktura na kailangang ayusin o palakasin. Ang pagkakaroon ng disaster response equipment ay isa rin sa mga pangunahing pangangailangan upang mas mabilis at epektibong makatugon sa mga sakuna.
Higit pang epektibo ang mga hakbang kontra kalamidad kapag may suporta mula sa buong komunidad.
Ang LGU ay dapat makipagtulungan sa mga non-government organizations (NGOs) at iba pang stakeholder upang bumuo ng mas malawak na network ng suporta. Bagay na nasaksihan natin sa paghagupit ng Bagyong Kristine, kung saan maraming organisasyon ang agad na sumaklolo at tumugon sa mga sinasalanta. Marami ang nagboluntaryo sa pag-rescue gayundin ang paghahanda ng mga pangunahing pangangailangan ng mga binabagyo.
Sa makabagong panahon, dapat ding nagagamit ang teknolohiya sa disaster management. Kailangang mag-invest ng LGU sa mga makabagong sistema para sa early warning at monitoring.
Sa pamamagitan ng pagpapalakas sa LGU, mas magiging handa ang bawat komunidad na harapin ang mga pagsubok na dulot ng kalamidad.
Comentarios