top of page
Search
  • BULGAR

‘Di tanggap na 3 silang babae ng mister kaya bet nang makipaghiwalay

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 29, 2021



Dear Sister Isabel,

Nais kong humingi ng payo tungkol sa problema ng asawa ko. Mahal ko siya, pero hindi ako nag-iisa sa buhay niya dahil tatlo pala kami. Noong una ay inilihim niya ito sa akin, kaya tinanggap ko ang pag-ibig niya at kami ay nagpakasal. Nagbunga naman agad ang pagsasama namin at nagkaroon kami ng dalawang anak.

Kamakailan ko lang natuklasan na may asawa siya bago pa kami nagpakasal at nasa Visayas ‘yung babae, tapos kasal pala siya roon. Kaya pala madalas siyang pumunta roon at ang katwiran niya, may inaayos siyang negosyo.

Bukod pa rito, may naiwan siyang asawa sa Dubai, inip na inip siya rito sa ‘Pinas at gusto nang bumalik doon. Nagalit ako nang todo at kinompronta ko siya, sabi niya, peke ang kasal niya sa Visayas at hindi raw siya kasal sa babaeng nasa Dubai kaya huwag daw akong mag-alala.

Naguguluhan ako at parang nawala na ang pagmamahal ko sa kanya, pero natatakot naman akong tuluyan na niya kaming iwan. Ayaw kong mawalan ng ama ang aming mga anak na walang kamalay-malay sa mga pangyayari.

Sa ngayon, matabang na ang pagtingin ko sa kanya kahit siya naman ay parehas pa rin ang ipinakikitang pagmamahal sa akin. Ano ang dapat kong gawin at paano ko maibabalik ang dati kong pagmamahal sa kanya? Nagkalamat na kasi kaya iba na ang pagtingin ko sa kanya at hindi ko tanggap na tatlo kaming babae sa buhay niya.

Iniisip ko nang makipaghiwalay dahil ayaw kong may kahati ako sa pagmamahal ng asawa ko, tama ba ito? May maganda akong trabaho at kaya kong buhayin ang mga anak namin. Sana ay matulungan ninyo ako sa problemang gumugulo sa isipan ko.


Nagpapasalamat,

Nora ng Batangas


Sa iyo, Nora,

Ang pag-aasawa ay sadyang may kaakibat na mga problema, kani-kanya nga lang at iba’t iba ang mga ito. Ang sabi mo ay hindi naman nagbago ang pagmamahal ng asawa mo sa iyo at ayaw mong mawalan ng ama ang mga anak ninyo. Ang pinakamabuting gawin mo ay tanggapin nang maluwag sa kalooban ang natuklasan mong mga lihim. Tutal, ang sabi niya ay fake ang kasal niya sa isa at ‘yung nasa Dubai ay hindi niya pinakasalan. Kayo naman ay patuloy na nagsasama sa iisang bubong at mahal ka pa rin niya hanggang ngayon.


Sa umpisa, talagang mahirap tanggapin pero kung kapakanan ng mga anak mo ang iisipin mo, iminumungkahi kong huwag mong ituloy ang balak mong pakikipaghiwalay. Huwag lang ang iyong sarili ang isaalang-alang. Matitiis mo bang mawalan ng ama ang mga anak mo? Siyempre hindi, kaya huwag mong hayaang maulila sila sa ama, gayung buhay pa ang kanilang tatay.


Muli, huwag pansariling kapakanan ang isaalang-alang mo. Unti-unti mong ibalik ang dating pagmamahal mo sa iyong asawa at tanggapin na talagang ganyan ang mga lalaki. Sabi nga, men is polygamus in nature. Hindi puwedeng isa lang, pero lilipas din ‘yun at tunay na pamilya pa rin ang magwawagi.


Naniniwala akong muli mong maibabalik ang dating init ng pagsasama ninyo at magiging masaya kayong muli kung uunawain mo ang mga pangyayari. Tanggapin mo ang pagsubok na ibinigay ng tadhana sa inyong pagsasama at kaya mo itong malagpasan. Kausapin mo rin ang asawa mo na magbago at ituon ang sarili sa inyong mag-iina, na siyang tunay niyang pamilya. Ipaunawa mo sa kanya na ang bawat kamalian sa buhay ay may kabayaran. Kaya hangga’t hindi pa huli ang lahat, tapusin na niya ang lihim na pakikipagrelasyon sa mga babae niya upang patuloy kayong pagpalain at walang dumating na kamalasan sa buhay ninyo.


Hanggang dito na lang. Lakip nito ang aking dalangin na patuloy na maging matatag ang pagsasama ninyong mag-asawa sa kabila ng mga pagsubok.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page