top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

‘Di pipiliin ng pamilyadong bf kaya ‘di dapat pumayag na maging kabit

BULGAR
Aug 21, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 21, 2022


Dear Maestro,


Paano malalaman kung mahal ka ng isang pamilyadong tao? Puwede bang mangyari na ako ang piliin niya kaysa sa kanyang pamilya?


April 29, 2000 ang birthday ko at December 18, 1989 naman ang birthday ng boyfriend ko ngayon, pero may pamilya na siya. Compatible ba kami?


Umaasa,

Liezel ng Concepcion, Lumba, Laguna


Dear Liezel,


Alam mo, ang tanong na ‘yan ay masasabing halos walang kabuluhan o sabihin na nating halos walang kakuwenta-kuwentang tanong. Alam mo kung bakit? Dahil kahit bulatlatin mo ang puso ng isang taong may pamilya na at nakita mo ru’n ang larawan mo, mananatiling ilegal at immoral ang inyong relasyon.


Sa kasalukuyan, isa lang ang maganda at dapat mong gawin upang maiwasan ang paggawa ng ka-immoralan — ‘wag ka nang makipagkita sa boyfriend mo, mahal mo man siya o ikaw ang mahal niya dahil pamilyadong tao na siya.


Sa tanong mo naman kung puwede ka bang piliin ng isang taong may pamilya na, ang sagot ay hindi, dahil kung magagawa niya ‘yun, dapat ay ngayon na.


Dahil hindi kayang gawin ng isang pamilyadong tao na iwanan ang kanyang pamilya, the best way ay gagawa siya ng alibi. Ang pinakamagandang alibi ay sasabihin niya sa iyo na maghintay-hintay ka muna dahil humahanap lang siya ng tamang pagkakataon.


Subalit tiyak na lilipas ang kumpol-kumpol na taon, habang tuloy-tuloy ka niyang napagsasawaan, hindi darating ang hinihintay mong panahon na pipiliin ka niya kaysa sa kanyang pamilya, hanggang sa matagpuan mo na lang ang iyong sarili na habambuhay na kabit o number two.


Nangyaring hindi ka niya pipiliin kung ikukumpara sa kanyang pamilya, dahil ang zodiac sign mong Taurus na may elementong earth o lupa, ay sadyang hindi naman tugma sa zodiac sign niyang Sagittarius na nagtataglay ng elementong fire o apoy, ganundin ang birth date mong 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) sa birth date niyang 18 o 9 (ang 18 ay 1+8=9) ay hindi suweto o hindi compatible sa isa’t isa.


Kaya ‘yan ang sitwasyon na pag-aralan mo at tanunging mabuti ang iyong sarili, “Papayag ba ako na habambuhay na maging kabit?” Kung “oo” ang iyong sagot, tulad sa istorya nina Adan at Eba nang sila’y nasa paraiso pa ng Eden, may laya siyang gumawa ng masama at labag sa utos ng Diyos, subalit sa bandang huli, mabibigat na problema at pagsubok ang idudulot niyan sa iyong buhay.


Samantala, kung hindi ka naman makakapayag na habambuhay na maging kabit, ano pa ang hinihintay mo? Habang bata at may hitsura ka pa, mas makabubuting humanap ka ng binata na papakasalan ka at habambuhay na mamahalin.


Sa ganyang paraan, hindi lang sariling landas mo ang itinutuwid, bagkus, tinutulungan mo rin ang naturang lalaki na magbagong buhay, maging mabuting magulang sa kanyang mga anak at maging tapat na asawa.


Sa paghahanap ng lalaking walang pananagutan, isaalang-alang mo silang mga isinilang sa zodiac sign na Capricorn, Virgo, Scorpio at kapwa mo Taurus. Sa piling ng nasabing mga lalaki, may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


Sa ganyang paraan, ‘pag umiwas ka sa ka-immoralan, kasabay nito ay gumawa ka ng mabuti sa iyong kapwa, darating ang panahong pagpapalain ka ni Lord sa pag-ibig at pakikipagrelasyon dahil bibiyayaan ka Niya ng maunlad at panghabambuhay na pamilya.


Ayon sa iyong Love Calendar, nakatakda itong mangyari sa taong 2025 at sa edad mong 25 pataas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page