‘Di na masaya sa work, dapat ituloy ang pagre-resign dahil mas uunlad sa bagong kumpanya
- BULGAR
- Dec 21, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | December 21, 2022

KATANUNGAN
Sa kasalukuyan ay may trabaho ako sa BPO company, pero hindi ako masaya, kaya balak kong mag-resign next month at lumipat sa ibang kumpanya. Kung lilipat ako, gusto kong malaman kung papalarin ba ako sa lilipatan kong kumpanya? Marami na akong mga kasamahan na nagsilipatan at maganda na ang suweldo nila ngayon.
Bukod sa kasalukuyan kong trabaho, may nais din akong malaman tungkol sa aking love life. Ano ang nakikita n’yo at kailan ba ako magkaka-boyfriend nang seryoso at pangmatagalan?
KASAGUTAN
Tama ang desisyon mo, Menchie, dahil ‘yan talaga ang uso ngayon, lalo na sa mga trabahong may kaugnayan sa services, tulad ng BPO o Business Process Outsourcing at call center-related work. Tunay ngang uso ang magpalipat-lipat ng kumpanya kung saan mas malaki ang suweldo at ito ay masasabing isang kalakaran nang umiiral sa kasalukuyang panahon. Sabagay, ito rin naman ang nais sabihin ng nagbago, ngunit kumapal at lalo pang gumanda na Fate Line, na tinatawag din nating Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tulad ng nasabi na, tama ang iniisip mo, kung hindi ka na masaya sa kasalukuyan mong kumpanya at kung sadyang may mas malaking offer na suweldo, mas papalarin at uunlad ka sa lilipatan mong kumpanya kaysa sa kasalukuyan mong pinapasukan. Kaya tulad ng nasabi na, tama lang na lumipat ka.
Dagdag pa rito, makalipas ang tatlo o apat na taong pagtatrabaho sa lilipatan mong kumpanya, kapansin-pansin din ang malawak at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay tanda na kung 2023 ang taon sa susunod na buwan, lilipas ang humigit-kumulang dalawa hanggang tatlong taon, sa 2025 o 2026 at sa edad mong 31 pataas, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran. Sa nasabing trabaho sa abroad na may kaugnayan din sa kasalukuyan mong trabaho, lalo pang uunlad ang buhay mo hanggang sa tuloy-tuloy nang umalwan at yumaman ang aspetong pangkabuhayan.
MGA DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyon mga datos, Menchie, nakahanda na ang isang magandang futrure para sa susunod na taong 2023 hanggang 2027.
Pagpasok ng taong 2023, sa buwan ng Enero o Pebrero, magre-resign ka sa kasalukuyan mong trabaho upang sa bagong kumpanya na lilipatan mo, higit kang magiging masaya, lalo na sa sandaling lumaki ang iyong suweldo.
Dagdag pa rito, tulad ng naipaliwanag na, paglipas ng dalawa hanggang tatlong taon, sa kumpanyang nilipatan mo, maipapadala ka sa abroad. Sa naturang pangingibang-bansa, mas magiging asensado ang career at kabuhayan mo, hanggang sa tuloy-tuloy ka nang umunlad at sumagana. Pagkatapos nito, sa ibang bansa ka na rin magkaka-boyfriend at magtatayo ng asensado at maligayang pagpapamilya habambuhay (Drawing A. at B. t-t arrow b at 1-M arrow c.).







Comments