‘Di matanggap na pinalayas sa paupahan ng kapatid
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | September 06, 2021
Dear Sister Isabel,
Ano ang dapat gawin sa nagpalayas sa amin sa tindahang inuupahan namin? Ito ay maituturing na awayang anak sa anak. Pinagdiskitahan ang hanapbuhay namin at ang masakit pa, mismong kapatid ko ang may-ari ng inuupahan naming tindahan at pinalayas kami ng bayaw ko saka pinaupahan sa iba dahil nag-away ang mga anak ko at mga anak nila.
Ang hirap palang maging mahirap dahil kinakawawa kami, Sister Isabel. Nagbabayad naman kami ng upa sa tindahan kahit walang benta at hindi kami pumapalya sa pagbabayad. Ano ang marapat kong gawin, Sister Isabel? Alam kong mabibigyan ninyo ako ng kaukulang payo para mabawasan ang sakit ng kalooban nadarama ko ngayon.
Nagpapasalamat,
Charito ng Pampanga
Sa iyo, Charito,
May mga taong sadyang makitid ang isipan at wala sa lugar ang desisyong ginagawa sa pang-araw-araw niyang pamumuhay. Hindi sila marunong kumilala ng mali at tama gaya ng bayaw mo at kapatid mismo na siyang may-ari ng inuupahan mong tindahan dahil lamang nag-away ang inyong mga anak. Mabuti na lang at hindi mo pinatulan, sa halip ay umalis ka sa tindahan kahit labag sa iyong kalooban. Kung pinatulan mo ang kakitiran ng isip nila, malamang na nagkasakitan pa kayo at nauwi sa demandahan ang lahat. Ang sabi mo ay nagbabayad ka naman at walang palya, pumunta ka sa barangay at doon sabihin ang mga pangyayari dahil sila ang mag-aayos sa gusot ninyo ng iyong kapatid at bayaw. Sa totoo lang, hindi makatwiran ang ginawa nila sa iyo dahil nagbabayad ka naman ng upa sa nasabing tindahan.
Huwag kang maawa sa sarili mo dahil mahirap ka. Ang pagiging mahirap ng isang tao ay hindi nangangahulugang wala ka nang pagbabago, hindi rin ito katwiran para kawawain ka. Nasa iyo yan, hindi ka dapat magpaapi sa iyong kapwa, lalo na kung ikaw ang tama.
Gamitin mo ang iyong isip at talino kung paano aasenso sa buhay. Kung hindi kumikita ang mga paninda mo sa kasalukuyan, palitan mo ng ibang produkto hanggang makita mo ang bagay sa iyo na mag-aangat sa kabuhayan mo.
Pansamantala, gamitin mo muna ang harap ng bahay mo at d’yan ka magtinda ng simpleng pagkain tulad ng lugaw at ‘pag kumita na, dagdagan mo pa ng ihaw-ihaw. Diskarte lang ang dapat. Hindi mo na problema ang upa dahil sarili mong lugar ang puwesto mo.
Huwag mong sabihin na may pandemya ngayon dahil marami ang mas kumita pa ngayon kaysa noong hindi pa ganito ang sitwasyon. Kung kaya ng iba, kaya mo rin, ‘di ba? At higit sa lahat, huwag kang makalimot tumawag sa Diyos. Humingi ka palagi ng patnubay. Napakahalaga ng pagdarasal sa buhay ng tao, basta’t taimtim, walang halong pag-aalinlangan at taos-pusong sumasampalataya sa Diyos Amang makapangyarihan sa lahat. Walang hindi magaganap kung mananalig ka sa Diyos at nabubuhay sa tamang landas, landas ng kabutihan hindi ng kasamaan.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments