top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

‘Di matanggap na ‘di kayang mahalin ng bff

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 28, 2021
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 28, 2021



Dear Sister Isabel,


Bakit ganito ang buhay, kung sino ang mahal mo, ayaw niya sa iyo at kung sino ang ayaw mo, siya naman ang naghahabol sa iyo?


Mahal na mahal ko ang best friend at childhood sweetheart ko, pero kamakailan ay naramdaman ko na higit pa sa matalik na pagkakaibigan ang turing ko sa kanya.


Nahalata na niya ‘yun pero prangkahan niyang sinabi na hanggang kaibigan lang ang turing niya sa akin. Masakit, pero hindi ko talaga mapigilan ang aking sarili na mahalin siya nang higit pa sa kaibigan.


Sister, marami akong masugid na manliligaw at handang pakasalan ako, pero wala ni isa sa kanila ang mahal ko. ‘Yung best friend ko lang talaga ang isinisigaw ng puso ko kahit alam kong may mahal na siyang iba.


Ano ang dapat kong gawin para maputol na ang nadarama kong pagmamahal sa matalik kong kaibigan? Parang hindi ko kayang limutin o layuan siya dahil ikamamatay ko ‘pag nangyari ‘yun. Sana ay mapayuhan n’yo ako ng dapat kong gawin.


Umaasa,


Melody ng Marikina


Sa iyo, Melody,


Sadyang mapagbiro ang tadhana. Marami namang lalaki, pero sa best friend ka pa na-in love kahit kaibigan lang talaga ang turing niya sa iyo. Acceptance, ‘yan ang dapat mong gawin.


Tanggapin mo ang katotohanang hanggang mag-best friend lang kayo at hindi na puwedeng lumagpas doon dahil may mahal siyang iba. Lalo ka lang masasaktan kung patuloy kang aasa sa isang bagay na malabong mangyari at malayo sa katotohanan.


Gayundin, i-divert mo ang iyong sarili sa ibang bagay tulad ng ibang tao na nagmamahal sa iyo at handang pakasalan ka kung tatanggapin mo ang pag-ibig niya sa iyo. Itigil mo na ang kahibangan mo dahil maliwanag ang katotohanang sa best friend mo na nanggaling na hanggang kaibigan lang ang turing niya sa iyo, kaya tanggapin mo ito nang maluwag sa loob. Buti nga, hindi ka niya pinaasa na higit pa sa kaibigan ang kahihinatnan ng relasyon ninyo.


Dahil d’yan, mag-move on ka na at harapin ang ligayang naghihintay sa iyo kung pag-uukulan mo ng pansin ang mga admirer mo. Tiyak na may isa r’yan na inilaan sa iyo ang tadhana, bigyan mo siya ng pagkakataon at makikita mo na isang araw, pasasalamatan mo pa na hindi siya ang nakatuluyan mo. Huwag mong ipilit nang hindi maipit sa maling pagpapasya, hintayin mo ang para sa iyo na itinakda ng tadhana noon pa man. Darating ‘yan nang walang kahirap-hirap at sa takdang panahon, liligaya ka at pagpapalain sa pag-ibig, basta’t huwag mong ipilit ang hindi tama.


Sumasaiyo,


Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page