‘Di makakabalikan ang ex-bf, pero sasaya sa susunod na love life
- BULGAR
- Aug 4, 2022
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 4, 2022
Dear Maestro,
Ayon sa mga nabasa kong artikulo n’yo, compatible ang zodiac sign naming Pisces at Virgo, pero bakit naghiwalay kami? Nanghihinayang ako dahil tatlong taon na kami at akala ko ay kami na ang magkakatuluyan, pero hindi ‘yun ang nangyari.
Magkakabalikan pa ba kami? Kung hindi na, kailan ulit ako magkaka-boyfriend at may posibilidad pa ba akong makapag-asawa?
March 15, 1994 ang birthday ko at ang ex-boyfriend ko ay isinilang noong September 7, 1993.
Umaasa,
Lyn ng Dubai, UAE
Dear Lyn,
Posibleng hindi na kayo magkabalikan ng boyfriend mo. Bagama’t compatible ang inyong zodiac sign na Pisces at Virgo sa Oriental Astrology, hindi naman tugma ang birth date mong 15 o 6 (ang 15 ay 1+5=6) sa birth date niyang 7. Ang mga kagrupo kasi ng mga taong may birth date na 16 o 7 ay silang may mga birth date na 2, 4, 8 at 1, habang ang mga ka-grupo mo naman na may birth date na 15 o 6 ay silang mga under sa series of 3-6-9.
Ayon sa latest survey, kung ang mga Aquarius na isinilang mula ika-27 ng Enero hanggang ika-15 ng Pebrero ay kadalasang nabibigo sa pag-ibig, ang mga Pisces naman na isinilang mula ika-3 ng Marso hanggang ika-15 ng Marso ang pangalawa sa may pinakamaraming bilang ng mga kabiguan sa pag-ibig. Kung nais mong malaman kung bakit, ‘yun ang mahirap sagutin, pero maaaring dala ng impluwensya ng magulong mga Planetang Uranus-Saturno, Mars-Neptune, Pluto-Moon.
Kaya sa edad mong 28, kung hindi ka magmamadali, malamang na tulad ng nasabi na, posibleng tumanda kang nag-iisa o walang kasama tulad ng iba pang indibidwal na may birth date na 6, 15 at 24.
Subalit kung susundin mo ang mga sumusunod na hakbang, malaki ang pag-asang ikaw ay muling magkaka-boyfriend, makapag-asawa at habambuhay nang liligaya sa larangan ng pagpapamilya.
Una, ayon sa birth date mong 15 o 6, palagi kang magsuot ng kulay na pula, habang, ayon naman sa zodiac sign mong Pisces, puwede ka ring magsuot at gumamit ng kulay na berde. Ganito ang paggamit, tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, lalo na kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa mga araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, pula ang isuot mo.
Habang tuwing sasapit naman ang mga petsang 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22, 31, 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 8, 17 at 26, berde ang gamitin mong kulay, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa mga araw ng Linggo, Lunes at Sabado, habang ang kulay na dilaw ay puwede ring isuot na pamalit sa berde kapag nagsasawa ka na.
Pangalawa, para makapag-asawa ka at magkaroon ng masayang pamilya, dahil ang zodiac sign mo ay Pisces na under sa elementong water o tubig, dapat palagi kang namamasyal o sumasama sa mga outing sa tabing dagat ito gagawin, puwede rin sa mga nature o mga lugar na malapit sa kalikasan. Ang nabanggit na mga pook ang magpapabago ng iyong awra, muli itong magniningning at sisigla sa sandaling palagi kang namamasyal sa mga naturang lugar.
At pangatlo, alalahanin mo na ang mga tunay na ka-compatible mo ay silang mga isinilang sa zodiac sign na Cancer, Scorpio, Sagittarius, Gemini at kapwa mo Pisces, gayundin ang mga Virgo, higit lalo silang may mga birth date na 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 6, 15, 24, 4, 13, 22 at 31.
Sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyon, tiyak ang magaganap sa taong 2024 at sa buwan ng Setyembre hanggang Nobyembre — sa edad mong 30 pataas, makakapag-asawa ka at makakapagtayo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.




Comments