‘Di lang pagtatanim at paggamit ng reusable items...
- BULGAR

- Aug 13, 2020
- 3 min read
paglalakad, malaking tulong sa pangangalaga sa kalikasan
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | August 13, 2020

Ang daming natutong magtanim ng mga halaman, gulay at prutas sa likod ng kanilang mga bakuran nang pumutok ang pandemya. Namulat ang marami sa pangangalaga ng mga tumutubong halaman na maaari palang mapakinabangan, kung maaalagaan at puwede pang mapagkakitaan.
Gaya na lang halimbawa ng isang barangay na ang dating lote na tinatapunan nila ng basura ay nagtulong-tulong ang magkakapitbahay na linisin ang lupa at saka dito sila nagtanim ng sari-saring gulay noong nagdaang ECQ at napagkasunduan nila na sa pagbubunga ng mga gulay ay doon na sila aani at kumuha lamang ng sapat na dami para sa pamilya upang ang iba namang kabarangay ay makinabang din. Buong barangay ngayon ay doon na kumukuha ng gulay.
Hindi lang sa mga probinsiya pinangangalagaan ang kalikasan, na-realized ng marami rito sa Kamaynilaan na ang pang-aabuso sa malalaking punongkahoy, pagtatapon ng basura kung saan-saan ay maaring magdulot ng kapahamakan sa dakong huli lalo na ngayong peligroso ang pagbabara ng mga nagkalat na plastic sa kanal na pinagmumulan ng malawakang pagbaha.
Upang hindi na maulit ang peligro halimbawa ng pagguho ng isang creek sa tabi ng ilog sa Quezon City, proteksiyunan natin ang ating kapaligiran. Maging responsable dapat ang mga naninirahan sa paligid. Maraming paraan ang kailangan upang maproteksiyunan ang Inang Kalikasan at tiyakin na ang buhay na kanyang pinaglalaanan ay makasigurong pinakamalusog na planetang kanyang pinananatilihan.
Maging ikaw man ay magkakaloob ng donasyong salapi para sa environmental organizations, pagpili ng green energy sources o pagbabahagi ng pagmamahal para sa kapaligiran na bawat tao ay isang malaking kontribusyon na ito.
Kahit na sa maliit na hakbang lamang kung magtutulungan ang maraming grupo ay sadyang magiging kakaiba ang iyong adhikain.
1. MAGLAKAD NA LANG O MAG-BIKE SA HALIP NA MAGMANEHO. Ang mga sasakyang maiitim ang buga ng usok ng tambutso ay lumilikha ng polusyon na nag-iiwan ng toxic material sa kapaligiran. Sa panahon ngayon ng MECQ, wala kang ibang choice kung papasok sa trabaho ay bumili ng e-bike. Kainaman sa ngayon ay may mga service shuttle na makabago na hindi polluted ang mga ibinubuga ng tambutso.
2. BUMILI NG BERDENG PRODUKTO. Gumamit ng household products na environmentally friendly. Halimbawa, sa halip na gumamit ng chemical-laden cleaners, gumamit na lang ng suka, baking soda, asin at kalamansi. Bumili ng produkto na galing sa biodegradable packaging at magdala ng reusable bag kapag magsa-shopping para mabawasan ang disposable na mga basura o plastic.
3. BUNUTIN ang plug ng chargers at appliances kapag hindi ginagamit. Kahit na ang appliances na hindi ginagamit ay kumokonsumo pa rin ito ng ‘standby power’. I-plug ang maliit na appliance sa power strip o surge protector at i-off ito kung aalis ka ng bahay.
4. MAGBIGAY NG DONASYON. Maraming environmental groups ang nagmamahal sa wildlife at forest conservation at nagpapalakas sa legal na proteksiyon ng kabundukan at karagatan at sila ay nangangailangan din ng donasyon para maipagpatuloy ang sinimulang adhikain. Kung hindi kayang mag-donate ng halaga ay magboluntaryo na lang at tumulong sa kanilang grupo. Kung may chance na magboluntaryo, go ahead.
Pero kung walang organisasyon sa inyo ay ikaw na lamang ang magpasimula. Mag-organisa ng clean-up drive sa inyong barangay. Ang mga estero at ilog ay linisin na para hindi magbara tuwing malakas ang buhos ng ulan.
5. TANGKILIKIN ANG LOKAL NA PAGKAIN. Madalas na ang mga pagkain sa grocery stores ay malalayo ang pinanggalingan bago makarating sa eskaparate, nag-ubos ng gas at mga pampareserba ang naging proseso upang manatiling sariwa. Pinakamaigeng pumili ng mga pagkaing lokal na pinalaki at pinabunga na hindi ginamitan ng pestisidyo ang lupa at ginamitan ng preservatives ang mga karne. Ang pagkilos na ito ang makatutulong sa iyo upang matulungan ang mga kababayan nating magsasaka maging ang ating kapaligiran.
6. MATUTO AT MAGKAROON NG SAPAT NA EDUKASYON. Ipayo sa mga bata ang tungkol sa pagmamahal sa kapaligiran at hikayatin na makibahagi sa iyong mga proyekto. Hikayatin sila na lumikha ng fabric o recycled paper tuwing walang aralin at sabihan sila na pumili ng mga laruan na puwede nilang ipamigay mula sa natural at non-toxic materials.
7. MGA HALAMANG BAHAY. Alam n’yo ba na ang mga halamang bahay ay maraming nagagawa bukod sa maganda itong tingnan at alagaan?Kaya nitong humigop ng ingay at polusyon sa hangin. Nakakarelaks ito sa isang silid at nakapagpapanatag ito sa kalooban. Kung bad mood puwedeng tumabi sa halaman at kausapin, sila ang mga bagay na buhay na hindi magagawang magsumbong sa iba.
8. MAGTANIM NG PUNONGKAHOY. Ito ang pinakamahalaga sa lahat na palagian nating ugaliin na magtanim ng puno. Dapat na kada 4 square meter na lupa ay may isang puno na nakatanim. Alagaan ang punongkahoy ng pagmamahal at tulungan ang kalikasan na lumikha ng tahanan para sa maliliit na nilalang. Sila ang magpapatuloy na magbigay sa atin ng makulay at malusog na kapaligiran. Ito ang babalanse sa paligid at magpaparelaks ng iyong pagkatao.








Comments