Delivery at courier service, gamit na gamit sa ilegal na droga
@Editorial | October 27, 2021
Dumadalas ang insidente ng pagkakahuli sa mga delivery riders dahil sa ilegal na droga.
Hindi lang basta sachet ng ilegal na droga, kundi bulto at milyones ang halaga ng nasasabat.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang mga delivery at courier service companies na kilatisin munang mabuti ang kanilang mga kinukuhang delivery riders.
Posibleng ito na ang bagong istayl ng mga supplier at tulak ngayon.
Papasok bilang legit na delivery rider pero ang target pala ay ang pagpapakalat ng ilegal na droga at iba pang ilegal na transaksiyon.
Kaya ang pakiusap sa mga kumpanya, sakaling may matunugan na ganitong modus, agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad para maaksiyunan agad.
Talagang talamak na naman ang drugs, bagama't marami ang nahuhuli, tila hindi naman sila maubus-ubos. Walang tinag sa batas. Maaaring dahil nariyan pa rin ang mga makapangyarihan na nagsisilbing protektor. Hindi talaga masosolb ang problema sa ilegal na droga.
Kaya mananatiling hamon sa mga susunod na lider ang pagharap sa problemang ito.
Kailangang magkaroon ng mas matinding giyera laban sa ilegal na droga.
Kawawa ang mga kabataan na magiging lantad sa salot na 'to.



Comments