De Luna at Pablo mga kampeon sa Predator Cup at Auckland 9-Ball

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | September 15, 2026

Photo: Sina Jeffrey De Luna at Gerald Pablo - Predator and New Zealand Billiard Association
Hinirang na kampeon ang mga bilyaristang Pinoy na sina Jeffrey De Luna at Gerald Pablo sa magkahiwalay na bahagi ng globo kamakailan.
Nangibabaw si "The Bull" De Luna sa "Break and Run" Predator Cup sa Guanajuato, Mexico nang talunin niya si local pride Alan Garcia sa huling duelo samantalang trono naman ng Auckland Open 9-Ball ang sinampahan ni Pablo matapos nitong ilampaso sa finals si Kieran Dempsey sa iskor na 5-2. Tuwang-tuwa ang mga netizens.
"Kahit saang bansa may tirador kami jan hahaha. Congrats Kabayan!", "Nasa DNA ng Pinoy ang likas na galing sa billiard." at "Philippines never get short of world class champions." ang ilan sa mga pagbating nababasa sa socmed.
Sa kaugnay na kaganapan, isusuot nina Chezka Centeno at Rubilen Amit ang tatlong kulay ng Pilipinas sa pagtitipon ng mga bituin ng bilyar sa paligsahang binansagan na Pro Billiards Series: Saigon Women's 9-Ball Open sa Lungsod ng Ho Chi Minh.
Sa pagsargo sa Vietnam simula Setyembre 21, mabangis na porma ang dala ni "The Flash" Centeno dahil kamakailan lang ay hinablot nito ang korona sa World 8-Ball Championships (Wisconsin) pati ang runner-up honors sa World 10-Ball Championships (Rome).
Tutumbok naman ang Cebuanang si "Bingkay" Amit sa paligsahan sa Phu Tho Indoor Stadium na dala ang kumpiyansa ng pagiging 3-time world champion (minsan sa 9-ball at dalawang beses sa larangan ng 10-ball). Tumersera rin siya sa katatapos na China Open. via Eddie M. Paez, Jr.





Comments