top of page

Dapat gawin upang maiwasan ang impeksiyon sa tiyan o stomach flu, alamin!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 2, 2020
  • 2 min read

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | July 2, 2020


ree

Dear Doc. Shane,

Worried ako sa aking 3 years old na anak. Siya ay nagsusuka at nagtatae. Ang sabi ng ate niya na nagbabantay sa kanya habang nasa work kami ay baka raw may nakain ito na dahilan kaya sumama ang kanyang tiyan. Pina-take ko siya paracetamol for kids at pinainom ng “am” o ‘yung sabaw ng sinaing imbes na maggatas. Okay lang ba ang ginawa ko?

– Divina

Sagot


Ang viral gastroenteritis ay madalas tawagin na “stomach flu”, subalit wala talaga itong kaugnayan sa flu o influenza. Ito ay iritasyon ng tiyan at bituka dahil sa impeksiyong sanhi ng mikrobyo.


Karamihan sa mga bata na may viral gastroenteritis ay bumubuti rin ang pakiramdam pagkalipas ng ilang araw nang walang paggamot. Ang batang may gastroenteritis ay nanganganib ng dehydration at dapat bantayan silang maigi.


Mga sintomas:


Ang mga sintomas ng gastroenteritis ay pagtatae (malambot o basang dumi) na kung minsan ay may kasamang pagkahilo at pagsusuka. Ang bata ay maaaring pulikatin o magkaraoon ng pananakit sa tiyan. Maaaring mayroon ding lagnat o pananakit sa ulo. Ang mga sintomas ay madalas na umaabot ng dalawang araw, subalit maaaring tumagal ng 10 araw upang mawala.


Paano nakahahawa ang viral gastroenteritis?


Ang viral gastroenteritis ay lubhang nakakahawa. Ang mga mikrobiyo na nagsasanhi ng impeksiyon ay madalas na nagpapasalin-salin sa mga tao ng mga hindi nahugasang mga kamay. Makukuha ng mga bata ang mga mikrobyo mula sa pagkain, kagamitan sa pagkain o mga laruan. Ang taong naimpeksiyon ay maaaring nakakahawa kahit mabuti na ang kanilang pakiramdam.


Ang mga sumusunod ay makakatulong upang guminhawa ang pakiramdam ng pasyente:

  • Tiyaking makapagpapahinga nang maayos ang pasyente.

  • Bigyan ang pasyente ng maraming likido tulad ng tubig o sabaw. Maaari mo ring bigyan ng oral rehydration ang iyong anak, tulad ng Pedialyte o oresol.

  • Iwasang bigyan ang pasyente ng inumin na maraming asukal sapagkat maaari itong magpalala ng mga sintomas.

  • Pakainin siya ng kanyang regular na pagkain.


Pag-iwas:

  • Ugaliin ang paghuhugas ng mga kamay gamit ang antibacterial na sabon at malinis na tubig lalo na pagkatapos gumamit ng banyo, pagsusuot ng diaper ng iyong anak at bago maghanda, maghain o kumain ng pagkain.

  • Panatilihing malinis ang mga lugar kung saan naghahanda ng pagkain.

  • Labhan agad ang maruruming damit.

  • Gumamit ng mga diaper na waterproof ang panlabas na cover o gumamit ng plastik na pantalon.

  • Iwasan na madikit o mapalapit ang bata sa mga taong may sakit.


Humingi agad ng tulong-medikal kapag ang bata ay nakararanas ng mga sumusunod:

  • Mataas na lagnat

  • Nagsusuka at nagtatae nang higit sa anim na oras

  • May dugo sa dumi

  • Dumadalas ang pagiging antukin

  • Matinding pananakit ng tiyan

  • Makikita ang senyales ng dehydration, tulad ng napakadilaw o kaunting ihi, lubos na pagkauhaw, tuyong labi at pagkahilo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page