top of page
Search
  • BULGAR

Dapat gawin para kumita ang negosyong karinderya

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 3, 2022


Dear Maestro,


Anu-ano ang masuwerte kong kulay, numero, petsa, buwan at taon? Kung sakaling magbubukas ako ng business na may kaugnayan sa pagkain, susuwertehin ba ako?


Nasa abroad ang mister ko ngayon at pinayagan niya akong magnegosyo, basta kumuha lang daw ako ng tagaluto at katulong para hindi ako mahirapan at ako lang daw ang mag-manage. Okey ba sa akin ang business na karinderya, mapapalakas ko ba ito? October 6, 1978 ang birthday ko.


Umaasa,

Catherine ng Bignay, Valenzuela City


Dear Catherine,


Dahil ikaw ay tipikal na Libra na may birth date na 6 sa destiny number na 5, saktong-sakto sa iyo ang negosyong karinderya (naging 5 ang destiny number mo, dahil ang birthday mong October 6, 1978 ay may ganitong kompyutasyon: 10+6+1978=1994/ 19+94=113/ 11+3=14/ 1+4=5).


Ibig sabihin, sa pagnenegosyo ka yayaman at uunlad, higit lalo kung ang iyong produkto ay may kaugnayan sa pagkain, entertainment at iba pang hilig ng mga tao na libangan. Puwede rin sa iyo ang mga negosyong may kaugnayan sa pagpapaganda at mga pangunahing ginagamit sa katawan.


Upang mas maging click ang itatatayo mong karinderya, kahit mayroon kang tagaluto, ‘wag kang papayag na siya ang magtitimpla. Sa halip, ikaw ang magtimpla at maglagay ng mga pampasarap na rekado sa iyong mga ulam at ikaw din ang lumasa.


Kapag nalasahan mong masarap at okey na, saka lang dapat i-serve sa mga kustomer ang inyong mga paninda. Sapagkat ang mga Libra na tulad mo ay tunay na pinagkalooban ng mahusay na panlasa, kung saan sa bawat lulutuin nilang putahe na may “special touch” nila at ang timpla ay may halong pagmamahal, lalong papatok ang inyong negosyong may kaugnayan sa pagkain.


Tandaan, ang sikreto para sa matagumpay na negosyong may kaugnayan sa pagkain, kailangang may touch ng lambing at pagmamahal ng Libra habang ito ay inihahanda. Sa ganyang diskarte, kahit marami kang kakumpitensiyang karinderya sa inyong lugar, mas maraming kakain sa iyo at mas marami kang magiging suki.


Dagdag pa rito, dahil ikaw ay Libra na may destiny number na 5, ang dapat isuot ng iyong mga tindera at kusinera, gayundin ang mga serbidora ay kulay pula tuwing Lunes. Puwede na ang pink tuwing Martes, white o puti tuwing Miyerkules, violet, lilac o purple tuwing Biyernes, silver o gray tuwing Sabado at pula ulit tuwing Linggo.


Sa ganyang uniporme at pagkatapos ay mahahaba pa ang buhok ng iyong mga kusinera, tindera at serbidora, at hangga’t maaari ay medyo sexy, magiging tipikal na “Venusin character” ang iiral sa kapaligiran ng inyong tindahan, lalo na kung sa ibabaw ng bawat mesa na may pink o pula na mantel ay may nakapatong na sariwang mga bulaklak, at sa labas naman ng karinderya o sa may pasilyo ay may mga sariwa at berdeng halaman, dadami ang inyong mga suki, hanggang sa makikilala ang inyong karinderya at magiging usap-usapan, mapupuno ng mga kostumer hanggang ito ay mabilis na umasenso at umunlad.


Ayon sa Decadens ng Kapalaran, kung ready na ang lahat, puwede mo nang simulan ang nasabing karinderya sa taong kasalukuyan, sa buwan ng Setyembre o Oktubre, sa mga petsang 6, 15, 24, 5, 14 at 23. Gayundin, itapat mo ang opening sa panahong nasa first quarter o full moon, upang tulad ng papalaki at papabulas na liwanag ng buwan, ganundin ang pag-asenso at pag-unlad ng nasabing negosyo, hanggang sa tuloy-tuloy ka nang umunlad at yumaman.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page