Dapat gawin ng tibo na ‘di maka-move on sa 2nd gf
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| May 11, 2022
Dear Maestro,
Isa akong lesbian. Dalawang beses na akong nabigo sa pag-ibig at masyado kong dinamdam ang paghihiwalay namin ng huli kong karelasyon. January 24, 1992 ang birthday niya at ngayon ay nasa Taiwan na siya. Pero bago siya umalis, sinabi niya na magkaibigan na lang kami, na sadyang ikinalungkot ko nang labis.
Gusto kong malaman kung magkakabalikan pa ba kami? Kung hindi na, ano ang mangyayari sa love life ko? Bakit ganu’n, palagi na lang ba akong bigo dahil ako ay isang lesbian? Ang iniisip ko ay tulad ng normal na babae o lalaki, may pagkakataon din ba akong lumigaya sa larangan ng pag-ibig? Kung mayroon, kailan ito mangyayari at sa paanong paraan? October 12, 1991 ang birthday ko.
Umaasa,
Jhoanne ng Talaba, Bacoor, Cavite
Dear Jhoanne,
Mag-concentrate ka sa career at makikita mo na kusang darating sa iyong buhay ang tunay, maligaya at panghabambuhay na pag-ibig.
Ganyan kasi ang kadalasang nangyayari sa mga taong may birth date na 12 o 3 (ang 12 ay 1+2=3), sa zodiac sign na Libra at tulad mong may destiny number na 6, (dahil 10+12+1991=2013/ 20+13=33/ 3+3=6). Kapag puro pag-ibig ang laman ng isip nila, nakakaasar dahil saka naman sila lumuluha at nabibigo. Kumbaga, parang bawal sa kanila ang umibig at magmahal dahil ang kadalasang nagiging bunga ay pagluha at kalungkutan.
Kaya tulad ng nasabi na, ang pinakamaganda at pinakamabuting solusyon, na nagkataong maganda rin ng iyong lagda, puro career, propesyon, pagpapaunlad ng trabaho at kabuhayan ang gawin mo at makikita mon a kung gaano ka ka-successful sa iyong propesyon, magugulat ka dahil kusang darating ang babae na suwetong-suweto sa iyong pagkatao.
‘Yan ang hiwaga ng iyong kapalaran, iwasan mo munang umibig. Sa halip, iprayoridad mo ang iyong career at sa huli, magugulat ka pa at maalala mo ang sinabi ko sa iyo. Isang araw, habang ikaw ay nag-iisa, masasabi mo na, “Tama si Maestro, sa panahon na hindi ko iniisip ang pag-ibig, sa halip ay puro career ang inatupag ko, kusa palang darating ang pag-ibig at sa kanyang pagdating, nagaganap ang maligaya at panghabambuhay na pag-ibig.”
Tandaan, ang sikreto ng iyong kapalaran, Jhoanne, “Don’t find love, let love find you. That’s why it’s called falling in love, because you don’t force yourself to fall, you just fall.”
Sa ganyang paraan, tiyak ang magaganap sa taong 2023 hanggang 2024 at sa edad mong 33, kahit ikaw ay isang lesbian, darating sa iyo ang isang nilalang na sadyang inilaan sa iyo ng kapalaran na makakasama mo sa maligaya at panghabambuhay na samahan dahil hindi ka umibig, bagkus, kusa kang na-in love.




Comments