- BULGAR
Dapat gawin ng taong kuwatro para magbago ang magulong kapalaran
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| May 31, 2022
Dear Maestro,
Matagal ko nang gustong sumangguni sa inyong kolum. Isa ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong mga artikulo at programa sa BULGAR TV. Gusto ko rin kasing malaman ang aking kapalaran sa pamamagitan ng inyong tulong. Pakianalisa naman ang aking sulat kamay at lagda. Ano ang masasabi n’yo sa aking birthday na August 22, 1992 at sa aking nunal sa kanang pisngi? Marami kasing nagsasabi na magbibigay ito sa akin at sa pamilya ko ng suwerte, totoo ba ito?
Umaasa,
Ollie ng Bagbag, Novaliches, Quezon City
Dear Ollie,
Tunay ngang kapag ang isang indibidwal ay Taong Kuwatro, silang mga isinilang sa petsang 4, 13, 22 at 31, masasabing medyo loloko-loko o magulo ang kanyang kapalaran. Kaya upang maayos at gumanda ang tadhana ng mga Taong Kuwatro, dapat ay hindi siya loloko-loko.
Sapagkat hindi natin maaalis na bukod sa ikaw ay Taong Kuwatro (ang birth date na 22 ay 2+2=4 — karamihan sa inyo ay ginugulo ang kanilang kapalaran kaya lalong pumapalpak ang buhay— ay “cusp” o nasa pagitan ng dalawang zodiac sign), ang talagang kailangan mo ay palaging kampante sa lahat ng aspeto ng iyong buhay at ‘ika nga ay “cool ka lang” at para mangyari ito, kailangang mayroon kang “ritwal” sa iyong buhay.
Kung Katoliko ka, puwedeng palagi kang magno-novena sa Simbahan ng Quiapo, Baclaran o kahit kaninong Santo o Santa na paborito mo nang sa gayun ay magkaroon ka ng personal commitment o ugnayan sa Dakilang Lumikha, at kaya sinasabing ritwal, dahil religiously o regularly ay ginagawa mo ito.
Sa ganu’ng paraan, ‘pag mayroong sandali sa iyong buhay na natatahimik o sabihin nating nagme-meditate o nagninilay-nilay nang ilang beses sa isang linggo, mawawala ang likas nilang kalokohan, hanggang sa tuloy-tuloy na matahimik ang kanilang kaluluwa o nawala ang mga kabagabagan, kusang magniningning ang kanilang awra, na siyang sasagap ng mas marami, hitik at dagsa na magagandang kapalaran.
Bukod sa ritwal ng meditasyon o pagdarasal, puwede ring may isang sandali sa iyong buhay na medyo nagrerelaks ka. Halimbawa, namamasyal ka mag-isa sa tabing-dagat habang takipsilim o bukang liwayway.
Sa mga nabanggit na paraan, sigurado na magiging maligaya at magtatagumpay ka sa iyong buhay, hanggang sa tuloy-tuloy na makamit ang marami pang mga pagpapala at biyayang sadyang inilaan para sa mga Taong Kuwatro na tahimik, payapa o nasa harmony ang kanilang buhay.
Ang isa pang mahalagang dapat mong gawin ay bahagyang inobasyon ng iyong lagda. Hindi lamang okey na ipinatong mo ang letrang “J” sa “S” at masyadong masikip o dikit ang pagkakasulat ng mga letra. Sa halip, ‘wag mong ipatong ang letrang “J” sa “S” at medyo paghiwalayin mo ang mga letrang ito, habang dapat mo rin namang tapusin ang iyong lagda sa straight line at hindi natatakot. Ibig sabihin, matapang na mahabang guhit patungo sa direksiyong kanan.
Sa ganyang lagda at sa pagsunod sa iba pang mga mungkahing binanggit sa itaas, kahit ikaw ay isang Taong Kuwatro na walang kapalaran o minsan ay may magulo at nakakalitong karanasan, magtatagumpay at magiging maligaya ka sa lahat ng aspeto ng iyong buhay na magsisimulang maganap sa taong 2024 at sa edad mong 32 pataas.