Dapat gawin ng taong dos para umunlad kahit weak number
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 2, 2022
Dear Maestro,
Ako ay Taong Dos (2) dahil isinilang ako noong January 2, 1992 at labis akong pinanghihinaan ng loob dahil ang sabi n’yo ay weak number ang numero ko. Malas ba ako at paano lalakas ang loob ko upang ako ay suwertehin?
Gayundin, kailan magsisimula ang aking suwerte o talagang tuloy-tuloy lang akong mamalasin dahil sa numero kong dos?
Umaasa,
Kyle ng Bagbag, Novaliches, Quezon City
Dear Kyle,
Hindi porke weak number ang may mga birth date na 2, 11, 20 at 29 ay puro kabiguan ang kanilang mararanasan. Tandaan din na kahit Taong Dos ka, hindi ka malas dahil sa totoo lang, wala namang malas na bilang o numero. Ang lahat ng ‘yan, tulad ng mga bituin sa kalawakan, planeta, tao, hayop, halaman at buong kalikasan, ay bahagi ng kumpletong paglalang.
Minamalas o hindi dinadatnan ng suwerte ang isang tao kung hindi niya alam kung paano gagamitin ang kapangyarihan ng numero na hawak niya.
Halimbawa, sa mga may weak number na 2, 11, 20 at 29 tulad mo, ano ba talaga ang dapat gawin upang sila ay umani ng tagumpay, kaligayahan at suwertehin sa buhay?
Simple lang, una, dahil weak number ka, maghanap ka ng mga taong strong na tutulong sa iyo. Hindi ko naman sinasabing ‘wag ka nang mangarap, bagkus, halimbawang may susungkitin kang layunin sa isang mataas na building o punong-kahoy, kailangan mong gumamit ng “hagdan” upang makuha mo ‘yun nang mas madali. Ang hagdan na tinutukoy natin ay ang mga taong may strong number na tutulong sa iyo upang mas madali mong maabot ang mga pangarap mo sa buhay.
Pangalawa, halimbawang may layunin ka, hindi mo ‘yan makukuha kung ikaw ay nag-iisa lang. Kaya “two” o “dalawa” ang iyong bilang, ibig sabihin, kailangan mo ng partner o kasama, best friend, kapatid o anuman ang gusto mong itawag sa iyong ka-buddy, puwede ring boyfriend o girlfriend. Basta alalahanin mong, “Two heads are better than one”.
Hindi mo lang siya makakatulong sa pagpitas ng iyong layunin, bagkus, habang dalawa kayong naglalakbay patungo sa iyong mga pangarap sa buhay, higit kang magiging maligaya dahil may kausap ka at batid mong may well-trusted friends ka o maaasahang very supportive na kasa-kasama.
Pangatlo, kapag ang Taong Dos ay natutong magsabi ng, “Tulungan n’yo ako”, sigurado na ang salitang ‘yun ang mas madaling paraan upang sila ay magkamit ng tagumpay at habambuhay na kaligayahan. Karamihan kasi sa mga Taong Dos, kahit sila ay inaapi na ng tadhana, nahihiya silang humingi ng tulong, subalit kung magsasanay siyang humingi ng tulong, mas madali siyang magtatagumpay at magiging maligaya.
Hindi naman masama ang mga salitang ‘yun dahil pagkatapos kang matulungan ng iyong kapwa at nagawa mong umunlad, puwede namang sa susunod na pagliko ng landas ng buhay, ikaw naman ang tumulong sa iba.
Pang-apat, sa panahong bigong-bigo ang buhay ng mga Taong Dos, obligado silang magsuot ng kulay itim o dilaw upang mabalasa ang kanilang magulong buhay. Ang pagsusuot ng nasabing strong color ay makakatulong sa kanila upang muling magliwanag at magningning ang kanilang kapalaran. Kapag maliwanag at maningning ang personalidad at awra ng mga Taong Dos, tuloy-tuloy na siyang mananaig at magtatagumpay. Uulitin ko, hindi sa kanilang sariling lakas kundi sa lakas ng isa, dalawa o maraming tao manggagaling ang kanilang tagumpay at panghabambuhay na kaligayahan.
Habang, sa kaso mo, Kyle, ituloy mo lang ang kasalukuyan mong ginagawa, samantalang ang hindi mo dapat gawin ay ‘wag mong iisipin na malas o walang kuwenta ang kapalaran ng mga Taong Dos. Bagkus, sundin mo ang mga mungkahing nabanggit at mula ngayon, sabihin mo sa iyong sarili at dapat mo rin namang paniwalaan, “Suwerte ang mga Taong Dos tulad ko, hangga’t may umaalalay o sumusuporta sa akin.”
Tandaan mo rin na sa mga tulong na nabanggit, sa pagsipsip o hindi sinasadyang paghigop ng enerhiya ng ibang mga numero, magtatagumpay ka at habambuhay na magiging maligaya, na tiyak namang mangyayari sa taong 2026 at sa edad mong 34 pataas.




Comments