top of page

Dapat gawin ng misis na todo-alala sa naiwang bahay at lupa ng mister

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 2, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | October 02, 2023


Dear Sister Isabel,


Dalawang beses na akong na biyuda. Namatay ang first husband ko noong 36-anyos palang ako, at muli akong nag-asawa noong 46-anyos ako. Biyudo na rin siya at may tatlong anak na pawang nasa hustong gulang na.


2 yrs. pa lang kaming nagsasama nu’ng inatake siya sa puso at tuluyan nang namatay.


Kasal kami sa huwes at sa simbahan.


Umuwi ako sa probinsya namin at bihira na lang dumalaw sa bahay namin ng namayapa kong asawa. Noong panahong ‘yun, ang bahay at lupa ng asawa ko ay nakasanla sa bangko hanggang sa pumanaw na lang siya.


Ang balita ko ay tinubos at binili na ng anak niya ‘yun. Nailipat na rin sa pangalan ng anak niya. 7 years na rin ang nakakalipas, nahihiya naman akong itanong sa anak niya kung ano na ang status ng house and lot na naiwan ng daddy niya. Hanggang ngayon, ‘di ginagalaw ang bahay, at halos mabulok na.


Ano kaya ang marapat kong gawin? Kausapin ko na ba ang anak ng asawa ko, at itanong kung ano na ang status ng bahay nila? Wala akong lakas ng loob na gawin ito, kasi baka sumama ang loob nila sa akin, pag-inusisa ko ang tungkol sa bagay na ‘yun.


Nawa’y mabigyan n’yo ako ng kaukulang payo.

Nagpapasalamat,

Mildred ng Nueva Ecija.

Sa iyo, Mildred,


Huwag ka nang mag-atubili na kausapin ang stepson mo tungkol sa house and lot na naiwan ng namayapa mong asawa upang maliwanagan ka. Tutal, kasal naman kayo ng ama niya. Karapatan mo rin malaman ang tungkol dito.


Harapin mo ang katotohanan kung sakaling malaman mo na binili at nakapangalan na sa anak niya ang house and lot, pakiusapan mo na lang ang stepson mo na kung ipapagawa niya ang bahay, bigyan ka na lang ng isang kwarto ru’n, na kung saan matutuluyan mo tuwing dadalawin mo sila.


Sa palagay ko naman, bilang stepmom niya, pagbibigyan ka niya sa iyong kahilingan. Iyan ang pinakamabuti mong gawin upang hindi kayo magkasamaan ng loob at upang malaman ng stepson mo na wala ka namang intensyong maghabol sa ari-arian ng ama niya. Hindi ka naman gahaman.


Wala kang ibang iniisip kundi ang pagkakasundo ng bawat isa. Alalahanin mong mas mapalad ang mga taong may magandang kalooban. Mas higit pa ru’n ang nakikita kong biyayang ilalaan sa iyo ng Diyos Amang makapangyarihan. Ipanatag mo na ang loob mo at ipagpatuloy ang pagiging maunawain at mapagmahal sa kapwa.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page