Dapat gawin ng misis na feeling ‘di umuunlad kahit todo-kayod
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | May 19, 2022

KATANUNGAN
Bakit ganu’n, masipag naman kaming mag-asawa at parehong may trabaho, pero hanggang ngayon ay wala pa ring pagbabago ang aming buhay? Wala kaming ipon at walang sariling bahay at lupa.
May pag-asa pa bang maging sakto lang ang aming pamumuhay? Kumbaga, hindi naman mayamang-mayaman, pero sapat lang ang kinikita. Gayundin, magkakaroon pa ba kami ng sariling bahay at lupa na matagal na naming pangarap?
Kung may pag-asa pang matupad ang simpleng pangarap naming ito, sa paanong paraan at kailan ito mangyayari?
KASAGUTAN
Nahulog kasi sa pagitan ng hintuturo at hinlalato o gitnang daliri ang Fate Line na tinatawag din nating Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Bagama’t malinaw at makapal ang nasabing Fate Line, (arrow b.) dahil nahulog ito sa pagitan ng mga daliri (arrow a.) sa halip na pumirmi sa tuktok ng bundok o sa pinakailalim ng daliri, ito ay tanda na mahihirapan kang makaipon ng sapat na salapi upang matupad ang pangarap n’yong sariling bahay at lupa.
Kumbaga, magiging ugali mo na ang mamili nang mamili at ubusin ang perang nakamit, sa halip na unahin mo ang pag-iipon. Kaya kung hindi ka magbabago ng attitude sa paghawak ng pera o pagba-budget ng inyong kinikita, tunay ngang inaasahan na tatanda ka at magkakaputi na rin ang buhok ng iyong asawa sa pagtatrabaho, pero hindi kayo makakaipon ng pera upang magkaroon ng sariling bahay at lupa.
Ang pinakamagandang solusyon ay tingnan o suriin mo ang kaliwa at kanang palad ng iyong mister. Kapag nakita mong nanatili sa Bundok ng Saturn ang ilalim na malamang bahagi ng gitnang daliri ang kanyang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) sa kaliwa at kanang palad, siya ang paghawakin mo ng inyong kita. Sa ibang salita, siya ang pag-badyetin mo sa pang-araw-araw n’yong mga pangangailangan. Kapag si mister na may Fate Line na hindi nahulog sa pagitan ng mga daliri ang humawak ng kabuhayan, magagawa niyang makapag-ipon ng pera para sa pangarap n’yong pag-unlad at pagkakaroon ng sariling bahay at lupa.
MGA DAPAT GAWIN
Kung parehong nahulog sa pagitan ng mga daliri ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanang palad ng mag-asawa, malungkot mang sabihin, pero posibleng ‘yun na ang mangyayari— malabo silang umunlad at yumaman o magtagumpay sa aspetong materyal na bagay.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Magdalena, ang dapat mo gawin ngayon ay magpraktis ng pormula ng tamang pag-manage sa inyong kabuhayan. Halimbawa, kapag dumarating ang araw ng suweldo, unahin mo ang pagtatabi ng kaunting halaga, saka pa lang ang paggastos. Sa ganyang paraan ng unti-unting pag-iipon, kung saan hindi gagalawin ang natatabing pera kahit ano ang mangyari, darating ang panahong lalaki rin ‘yan, hanggang sa dumami nang dumami. At kapag maraming-marami na ang naitabi mong pera, nagkataon na sa taong 2028, sa edad mong 58, at bago ang inyong retirement age ni mister, makakapagpundar na kayo ng sariling lupa hanggang sa unti-unti n’yo nang maipagawa ang inyong dream house.




Comments