Dapat gawin ng may destiny no. 8 para masagap ang mga suwerte sa paligid

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | March 1, 2023
Dear Maestro
Sumangguni ako upang malaman kung kailan ako magkakaroon ng suwerte. Sa edad ko kasing 32, feeling ko ay hindi pa rin ako sinusuwerte sa buhay. October 15, 1990 ang birthday ko.
Umaasa,
Wella ng Camarin, Caloocan City
Dear Wella,
Tandaan, lahat ng tao ay may suwerte na hinihintay, ang pagkakaiba lamang, ‘yung iba ay hindi alam kung kailan darating ang suwerte nila at minsan, nasa harap na nila ang suwerte ngunit nakakalagpas pa dahil kung anu-ano ang ginagawa at masyadong maraming laman ang kanilang isipan.
Upang suwertehin sa buhay ang isang indibidwal, ang unang kinakailangan ay magkaroon ng payapa at naka-tune up sa nature na kaisipan. Kumbaga sa antenna ng telebisyon, kahit gaano kaganda ang iyong TV, hindi lilinaw ang pinapanood mong telenobela kung ito ay walang antenna.
Ganundin sa buhay ng tao, kahit gaano ka pa kagaling at kasipag, kung hindi naman naka-hook-up sa satellite transmission na nasa langit ang channel o ang ginagawa mo sa buhay, dahil hindi payapa ang isipan mo, wala ring mangyayari sa mga pinagkakaabalahan mo. Sa madaling salita, hindi ka uunlad at tunay na magiging maligaya.
Marami r’yan ay mayaman, pero malungkot ang pamilya dahil hiwalay ang kanilang mga magulang. Sa halip na mag-aral nang mabuti ang mga anak, nagbubulakbol lang sa eskuwela at nang mag-asawa, naging broken family rin.
Dahil tulad ng nasabi na, mapunta man sa iyo ang lahat ng yaman sa mundo, kung hindi naman naka-tune up sa nature ang isipan at kaluluwa mo, ‘ika nga ay wala kang peace of mind, lahat ng pinaghihirapan mo sa buhay sa ngayon, imbes na magdulot sa iyo ng ligaya at aliw, ‘yan pa ang magiging dahilan ng panghihinayang at labis mong kalungkutan hanggang sa magkasakit ka nang malubha at wala sa panahon.
May isang sitwasyon ding sikap nang sikap ang mga magulang na magtrabaho sa ibang bansa at bagama’t nagkaroon ng maraming pera ang pamilya, pag-uwi ng mag-asawa, adik na pala at palutang na sa kalye ang kanilang mga anak.
Dahil muli, anumang pagsisikap ang gawin mo sa buhay, kung wala kang payapang kaisipan at hindi naka-tune up sa nature ang iyong isipan at kaluluwa, lahat ng gagawin mo ay magiging walang kuwenta at pahirap lamang.
Darating ang panahon na habang ikaw ay nagmumuni-muni at nagiisa, sasabihin mo sa iyong sarili, “Matapos kong magsikap at magpagal ng katawan, isang broken family ang aking napala.” Puwede ring, “Ang mga anak ko ay naligaw at napalungi ng landas,” at pagkatapos, tatanungin mo ang iyong sarili, “Saan ako nagkulang at nagkamali?”
Samantalang alam mo na ngayon kung saan ka nagkulang. Oo, tama lang na abalahin mo ang iyong sarili sa gawaing may kaugnayan sa salapi at pagpapayaman, pero dapat, kahit saglit ay maglaan ka ng panahon upang ipayapa ang iyong isipan at i-tune up sa nature ang laman ng iyong puso at ang iyong kaluluwa.
Rito na pumapasok ang kahalagahan ng malalim na meditation na dapat isagawa nang 15 hanggang 30 minuto araw-araw, sa katahimikan ng madaling-araw bago sumikat ang araw.
Samantala, Wella, sa tanong mo kung kailan darating ang iyong suwerte, simple lang ang tugon — tulad ng nabanggit, sandaling natutunan mong ipayapa ang iyong isipan at i-tune up sa nature ang iyong puso at kaluluwa sa pamamagitan ng meditation o contemplation, lalo na sa panahong ng Mahal na Araw o Semana Santa.
Ibig sabihin, mag-meditate ka kahit na 15 o 30 minuto sa tuwing gigising ka sa unang oras sa umaga at sa gabi bago ka matulog.
Tahimik kang umupo sa isang sulok na walang anumang iisipin. Kung may pumasok man sa iyong isipan, hayaan mo lang hanggang ito ay maging tila hangin na nagdadaan sa iyong harapan. Kapag ganap nang nawala ang lahat ng laman ang iyong isipan, mararating ng isipan mo ang ‘alpha wave state’ na siyang sasagap ng lahat ng suwerte at magagandang kapalaran na noon pa inilaan sa iyo ng dakilang katalagahan.
Habang, ayon naman sa birth date mong 15 o 6 (1+5=6), sa destiny number na mong 8 (10+15+1990=2015/ 20+15=35/ 3+5=8) at zodiac sign na Libra, basta lagi kang gumamit ng kulay na pula at berde, gayundin sundin mo lang ang mga rekomendasyong inilahad sa itaas, ngayong 2023 hanggang 2024 at sa edad mong 33 pataas, kusang bubuhos sa iyong buhay ang napakaraming suwerte at positibong kapalaran. Sa totoo lang, ang mga ito ay nar’yan lang din naman sa iyong paligid at sasagapin mo lang sa pamamagitan ng meditation upang tulad ng nasabi na, tuloy-tuloy ka nang lumigaya at habambuhay na magtagumpay.




Comments