ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Ika-13 Araw ng Abril, 2024
KATANUNGAN
Madalas kaming mag-away ng aking mister dahil sa kakapusan sa pang-araw-araw naming budget. Dati, napagkakasya ko pa ang iniintriga niya, pero ngayon ay talagang madalas na kaming kapusin at hindi na rin kami makapagbayad ng utang.
Kaya nais kong malaman kung magkakahiwalay ba kami, kasi noong huling pag-aaway namin ay nagkataasan kami ng boses at sabi niya, kapag napuno siya ay lalayasan niya kami.
Magta-tatlong araw na siyang hindi umuuwi at tingin ko ay tinotoo niya ang kanyang banta. Pero nang kontakin ko, sumagot naman siya at sabi niya na nasa biyenan ko lang siya at nagpapalamig ng ulo.
Gustuhin ko mang tulungan ang mister ko sa paghahanapbuhay, wala naman akong magawa dahil high school graduate lang ako. Balak kong mamasukan kahit bilang tindera para may maidagdag sa pang-araw-araw naming gastusin sa bahay. Tama ba ang naiisip ko na mamasukan at may pag-asa ba akong matanggap kahit medyo may edad na ako? Sa guhit naman ng aking palad, may pag-asa pa bang umunlad ang aming buhay?
KASAGUTAN
Tama ang binabalak at iniisip mo. Kung hindi mo tutulungan ang iyong mister na madagdagan ang inyong income, dahil kapos ang intriga ni mister ay palagi nga kayong mag-aaway.
Samantala, ang nakakatuwa ay may namataang malinaw na Effort Line (Drawing A. at B. E-E arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kung maghahanap ka ng kahit anong trabaho o dagdag na pagkakakitaan para sa inyong pamilya, puwedeng tindera o kung anuman, tiyak ang magaganap, pagpasok ng Mayo hanggang Hunyo, makakatagpo ka na ng trabaho, at kahit medyo maliit ang suweldo, makakatulong naman ito para punan ang kinakapos na budget ng inyong pamilya.
Kapansin-pansin din ang iisa, malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa panahong ito, kahit madalas kayong mag-away ni mister dahil sa pera, hindi magiging sapat na dahilan ang nasabing mga tampuhan upang kayo ay magkahiwalay.
Sa halip, habang tumatagal at binabayo kayo ng mga pagsubok at crisis na pangpinansiyal, magiging dahilan pa ito para lalong tumatag ang inyong samahan at pagmamahalan.
Ang pag-aanalisa, wala namang susuko sa inyo. Sa halip, lalo pa kayong magsisikap upang mapaunlad ang inyong kabuhayan, na madali namang kinumpirma ng lagda mong imbes na papaliit ay papalaki at papaangat ang mga letra sa dulong bahagi. Ibig sabihin, kung may susubok sa inyong mag-asawa na mangibang-bansa, kung hindi ikaw ang makakapag-abroad, posibleng si mister ang makapangibang-bansa na magiging daan upang mas bumuti at umunlad ang kalagayang pangmateryal ng inyong pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Habang ayon sa iyong mga datos, Kristine, tama ang iyong binabalak. Simulan mo nang maghanap ng bagong source of income at hindi ka dapat umasa sa kakarampot na suweldo ng iyong mister.
Ito na ang eksaktong panahon upang magsikap at magsipag ka. Sa ganyang paraan, kapag natuto ka na ring gumawa ng mga bagay na pagkakaperahan, hindi pa huli ang lahat. Kapag may sarili ka nang pinagkakakitaan, ngayong 2024, unti-unti na kayong makakaahon sa kahirapan hanggang sa tuluyan na ring umunlad at guminhawa ang inyong kabuhayan.
Comments