top of page

Dapat gawin ng bebot na papalarin sa abroad para lalong umunlad

  • BULGAR
  • Sep 8, 2022
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | September 8, 2022




KATANUNGAN

  1. Malapit na akong mag-28 years old sa Setyembre 23, at ngayon ay gusto ko ring mag-abroad. Maliit kasi ang kinikita ko sa grocery na pinagtatrabahuhan ko bilang saleslady. Sa tulong ng kaibigan kong nasa abroad, may aplikasyon ako ngayon bilang domestic helper sa Dubai.

  2. May pag-asa pa ba akong makapag-abroad ngayong 2022 o sa susunod na taon? Kung sakali namang matuloy ako sa abroad, may maganda ba akong kapalaran du’n at susuwertehin din ba ako gaya ng kaibigan ko na tumutulong sa akin na mag-ayos ng mga papeles ko?

  3. Gusto ko ring malaman na kung sakaling makaipon ako ng puhunan, puwede rin ba akong magnegosyo? Balak ko kasing magtayo ng grocery tulad ng pinapasukan ko sa kasalukuyan, kung saan malakas at mabenta ang kanilang paninda. Uunlad ba ako sa negosyong ito?

KASAGUTAN

  1. May malinaw, makapal at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa malapit na hinaharap, may pangako ng maalwan at positibong pangingibang-bansa na itatala sa iyong kapalaran, na madali namang kinumpirma ng birth date mong 23 o 5 (ang 23 ay 2+3=5).

  2. Karamihan sa mga indibidwal na nagtataglay ng birth date na 5, tulad ng birth date na 5, 14 at 23 ay nakakapag-abroad. Ang problema lang sa kanila, kapag nasa abroad na, minsan ay hindi sila natututong magtipid o magsinop ng kabuhayan. Kaya sa umpisa lang nagiging maalwan ang kanilang buhay, pero ‘pag tumagal na, mabilis ding nasisimot at nauubos ang kanilang pinagpaguran.

  3. Ang dapat sa mga taong may birth date na 5, 14 at 23, kapag nag-abroad sila ay pabalik-balik at pagkatapos nito, dapat matuto silang mag-ipon upang kapag nagsawa na sila sa pagpapabalik-balik sa abroad, malaking pag-unlad at pag-asenso ng kabuhayan ang kanilang mapala.

  4. Kaya gaya ng paulit-ulit na nasabi na, para maging produktibo at mabunga ang gagawin mong pangingibang-bansa, pinapaalalahanan ka ng iyong kapalaran, na kapag nasa abroad ka na, pilitin mong maging matipid at matutong magsinop ng bawat salapi na iyong mahahawakan.

  5. Sa ganyang paraan, ‘pag hindi ka bumibili ng kung anu-anong bagay na hindi mo naman talaga kailangan, mas mabilis kang uunlad at makakaipon ng sapat na salapi para sa pagnenegosyo. At kapag may sarili ka nang negosyo tulad ng grocery, ang mga Taong Singko (5) tulad mo, gayundin silang mga isinilang sa petsang 5, 14 at 23, ay tiyak na umuunlad hanggang sa tuloy-tuloy na yumaman.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Ang pag-a-abroad ay paunang hakbang lamang upang maiahon sa kahirapan ang pamilya, ngunit ang ikalawang hakbang ay kailangang matutunan mong magsinop o mag-ipon ng salapi mula sa iyong pangingibang-bansa. Ang ikatlong dapat gawin ng tulad mong may birth date na 5, 14 at 23, dapat mong ituloy ang negosyong nasa isip mo na tindahan o grocery dahil du’n ka tunay na uunlad at yayaman.

  2. Habang, ayon sa iyong mga datos, Cynthia, nakatakda na ang magaganap, kung saan sa taon ding ito ng 2022, sa buwan ng Nobyembre o Disyembre, pinakamatagal na sa first quarter ng 2023 at sa edad mong 28 pataas, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong kapalaran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page