Dapat gawin ng bebot na may sabit ang bf
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 20, 2022

KATANUNGAN
Nagkakilala kami ng boyfriend ko at mahigit apat na taon na ang nakakaraan. Ang alam ko ay hiwalay siya sa legal wife niya dahil ‘yun ang sinabi niya, pero matagal na kami nang malaman kong hindi pa sila hiwalay. Naglihim siya sa akin at dahil mahal ko siya ay wala na akong nagawa.
Gusto kong malaman kung kami na ba ang para sa isa’t isa? Kung sila pa rin ng asawa niya, tatanggapin ko nang maluwag sa loob at kung saan siya magiging masaya ay masaya na rin ako. Sana ay matulungan n’yo ako dahil mahal na mahal ko siya, pero wala na akong magagawa kung ano ang itinakda.
Ang nais ko talagang malinawan na tanong ay, ang mag-asawa ba na naghiwalay ay parehong hindi maganda at maayos ang Marriage Line o kahit isa lang sa kanila ang hindi maayos ang Marriage Line, maghihiwalay ba sila? Maaari rin bang kahit parehong maayos ang Marriage Line ng mag-asawa, pero dahil maraming nanguggulo o nakaka-impluwensyang tao sa kanilang relasyon, maghihiwalay din ba sila?
KASAGUTAN
Alam mo, kung sinasabi ng boyfriend mo na hiwalay siya sa kanyang asawa at nakita mong kapwa maganda ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan niyang palad at nagkataong maganda rin ang kanyang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.), hindi nabiyak, naputol o nasira. Maliwanag na maaaring hindi siya nagsasabi ng totoo sa iyo. Sapagkat ang ibig sabihin ng magandang Heart Line (arrow b.) at Marriage Line (arrow a.) sa kaliwa at kanang palad ay patunay ng maayos, stable at successful na pag-aasawa, na maaaring ito rin ang karanasan ng boyfriend mo habang pinaglalalangan ka niya.
Ngayon, huwag mo nang intindihin ang Marriage o Heart Line ng misis niya dahil ang totoo nito, kani-kanya ‘yan ng dinadala at alalahanin sa buhay. Maaaring pangit ang Marriage Line ng kanyang asawa dahil hirap na hirap na siya sa kabubuhat o kadadala ng mga problema nila sa pamilya, kaya pumangit ang Marriage Line niya, gayundin ang kanyang Heart Line. Samantalang ang asawa niya na pa-easy-easy, nakapambabae at buhay binata ay pinagkalooban ng magandang Marriage at Heart Line. Dahil ang totoo nito, puwede nang sabihin na hindi naman niya iniinda ang problema sa kanyang pamilya, sa halip ay nagpapakaligaya at nag-e-enjoy pa rin siya– buhay binata at nakakapambabae pa. Ganu’n ‘yun!
Kani-kanya tayo ng guhit ng palad, kaya naman kani-kanya rin tayo ng tadhana at kapalarang pinapasan. Kung ganu’n nga ang nangyayari —hindi naman hiwalay ang boyfriend mo sa kanyang asawa, bagkus, nananatiling buo ang kanilang pamilya — ngunit ipinipikit mo ang iyong mga mata sa katotohanan, huwag mo nang intindihin ang guhit ng kanyang palad. Sa halip, ang pag-aralan at intindihin mo ay ang sarili mong mga palad.
Kung wala kang makitang maganda at matinong Marriage Line (1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad at magulo o hindi maganda ang iyong Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) at mayroon ka pang Influence Line, na tinatawag ding Guhit ng Immoral na Relasyon (I-I arrow d.), ito ay kasiguraduhan na tama ang sinasabi mo sa mahaba mong sulat — ngayon pa lang ay tanggapin mo na ang nakatakda mong kapalaran na maging isang kerida habambuhay, na sinundan mo ng isa pang pagtanggap sa iyong sinapit na tadhana, na kung saan siya masaya ay masaya ka na rin.
MGA DAPAT GAWIN
Tunay ngang masarap umibig dahil ang nasabing pag-ibig ay nakakalasing o sabihin na nating nakakabaliw. Sabi nga ng Spanish writer na si Pedro Calderon dela Barca, “Cuando e; amor no es locura, no es amor,” Ibig sabihin, “Love without madness is not love.”
Ngunit minsan, dapat tayong gumising sa katotohanan, na ang maling pag-ibig at pakikipagrelasyon, sa bandang huli ay sa pagsisisi at kalungkutan din mauuwi.
Kaya, Marjorie, iwasan at iwanan mo na ang boyfriend mong may legal na asawa bago pa mahuli ang lahat. Sa ganyang paraan, kapag naiwasan mo siya, makakasumpong ka na ng mas tamang love life, na nakatakdang mangyari sa taong 2025 at sa edad mong 28 pataas (Drawing A. at B. 1-M arrow a.).




Comments