Dapat gawin kung 'di gusto ang mga tropa ng anak
- BULGAR

- Aug 20, 2020
- 3 min read
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | August 20, 2020

Nitong mga nakaraan ay napansin mong iniwan na ng iyong anak ang kanyang mga dating kaibigan at ipinagpalit na niya sa mga baguhan. Kahit na bawal silang lumabas at sa social media na lang sila madalas na nag-uusap ay tila mukhang bagong mukha ang nakikita mo na kausap niya online.
Kakaiba ang kanilang mga kasuotan, weird. May piercings pa sa ilong at dila. Iyong iba ay may tattoo. Magdamag pa sila kung mag-usap online, pa-morningan pa. Napupuyat siya. Mukhang hindi mo matanggap ang ganito nilang ayos. May kakaiba kang hinala at kinakabahan ka. At dahil dito ay alam mo na kung nakadarama ka ng ganyang pakiramdam at may babala na iyan sa’yo.
Iniisip mo ngayon kung paano mo bibigyang proteksiyon ang anak, na hindi naman masasagasaan ang sarili niyang gusto, lalo na at nagbalik sa General Community Quarantine ang galaw ng tao.
APAT NA SOLUSYON. Hayaang ang sitwasyon ang magdikta kung paano ka tutugon o hahadlang sa maaring maging kahihinatnan ng iyong anak sa kanyang pakikipagkaibigan sa mukhang may hatid na gulo ng mga kabataan.
1. KAILAN DAPAT TUMAHIMIK? Wala kang gagawin sa ginawang pagpili ng iyong teenager sa kanyang mga kaibigan kung ang iyong pagpayag ay base lang sa iyong inaakala, personal na kagustuhan o dahil sa opinyon ng ibang magulang sa pakikipagmabutihan ng iyong anak sa inaakala nilang hindi matitinong barkada.
Halimbawa: Ang kaibigan ng anak ay nakatira sa entresuwelong lugar, iba ang relihiyon at galing pa ng ibang probinsiya.
Halimbawa: Hindi mo gusto ang pananamit ng mga kaibigan niya, mahahaba ang buhok at maging ang kanilang pananalita ay marahas.
Halimbawa: Hindi mo gusto o hindi ka mapalagay sa hitsura ng mga magulang niya.
2. KAILAN DAPAT NA MAGSALITA? Kung may maispatan kang senyales ng gulo, subalit wala pa namang aktuwal na problema sa ngayon, isara mo pa rin ang mga mata sa mga bagay na ‘yan at ihayag mo ang iyong malasakit sa anak.
Halimbawa: Ang kaibigan minsan ay hinahabol ng gulo, subalit hindi pa naman nagkaroon ng anumang demanda.
Halimbawa: Ang kaibigan ay dati nang nasangkot sa gulo pero ngayon ay matino na.
Halimbawa: Ang magulang ng mga kaibigan niya ay hindi nagagabayan ang mga anak na ‘di tulad mo ang laya na ibinibigay nila’y hindi gaya ng gusto mong mangyari sa anak mo.
Sa naturang sirkumstansiya, sabihin sa anak kung ano ang iyong nararamdaman: “Hindi ako komportable sa inyong pagkakaibigan etc, etc.” Halimbawa, kung may masamang record sa pagda-drive ang kaibigan ay magkaroon ka na ng lohikal na paghihigpit sa pagkakaibigan at huwag na siyang hayaang sumama rito sa pagsakay. Kung ang kaibigan ay naaresto na sa pagnanakaw, huwag siyang ipasama saan mang lugar.
Maaari kang magbabala, “Sa ngayon ay lilimitahan ko ang pakikipagkaibigan mo sa kanila. Kung may mangyayaring problema, mababangko ka rito sa bahay. Mag-isip-isip ka at ang iyong kaibigan.”
3. KAILAN SIYA HIHIGPITAN? Ipagbawal na ang pagkakaibigan nila kung masama na talaga ang ginagawa nila, nasasangkot sa gulo o kung ano ang anak at mga kaibigan ay nasangkot na sa kahihiyan.
Halimbawa: Kung ang kaibigan ay kilalang drug user. Halimbawa: Kung ang kaibigan ay may history ng juvenile delinquency. Halimbawa: Kung may ninakawan na silang bahay.
4. IBA PANG GABAY. Ang pasya upang pigilan ang anak na makipagkaibigan ay hindi madali. Kailangan mo munang balansehin ang iyong hinala, maging patas, magbigay proteksiyon pati na ang balanseng paghihigpit.
Hayaan mong pumili ang anak ng sarili niyang mga kaibigan. Kapag kinokontrol mo ang anak sa pakikipagkaibigan ay lalo lang siyang magrerebelde.
Bigyang babala ang kaibigan na alam mong mali at kung hanggang saan lamang ang kanilang limitasyon at pag-usapan ang mga dapat na maging ugali nila kapag kasama ang anak mo.
Tandaan na ang panahon ng teenager ay panahon ng page-eksperimento ng mga kaibigan at maging ang pagkakamali niya sa pagpili ng kaibigan ang makapagtuturo minsan sa kanila ng mahalagang aral.
Hayaan mo siyang magdala ng sarili niyang ugali. Huwag na huwag mong sasabihin na magiging ganyan din ang anak mo dahil sa masamang kaibigan. Ang pag-aakusa sa kanya ng pagkakaroon ng masamang mga kaibigan ay hindi makatutulong upang matutunan niyang matanggap ang responsibilidad.








Comments