ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 2, 2024
Guo, Garma, Quiboloy at kung sinu-sino pang hindi masyadong kilalang dumaraan sa pagtatanong at imbestigasyon sa Kamara at Senado ay nagdulot ng kakaibang pagkakaabalahan ng marami sa mga nakaraang araw.
Parang nabaliktad ang mga pangyayari at ang mga script. Noong nakaraang administrasyon, iba ang mga sinasalang sa kahawig na pagtatanong at pag-iimbestiga, “political persecution” “trumped up charges”, mga inimbentong kaso.
Iba noon ang nakapuwesto kaysa ngayon. At dahil sa pagguho ng naturang UniTeam ng dalawang higanteng pulitikong pamilya, nabaliktad na ang lahat. Ang dating umuusig, sila ngayon ang inuusig. Talaga naman ang gulong ng palad. Kaya hindi maubos-ubos ng sari-saring kuwento ang mga telenobela dahil parang isang walang katapusang teleserye ang buhay natin sa bansang ito.
Ngunit, hindi telenobela ang mga nangyari noon at ngayon. Hindi teleserye ang maraming pinatay at pinapatay. Hindi rin telenobela ang bilyun-bilyong ninakaw sa kaban ng bayan. Hindi teleserye ang pagbebenta’t pagtataksil sa ating bansa. Hindi telenobela ang kabastusan, kasinungalingan, kawalan ng respeto sa batas, sa maayos na proseso ng pag-uusap at paghahanap ng katotohanan sa Kamara at Senado.
At parang walang nagbago at lumalabas pa rin ang kayabangan at kabastusan ng pananalita ng mga dating nasanay nang balahurahin at pamurahin ang wika at mga salitang dapat ginagamit nang may paggalang at pag-iingat sa kadakilaan at karangalan ng katotohanan at sa pagiging maselan ng dangal ng bawat tao.
Ilang taon nang tuluy-tuloy at unti-unting pinahina, pinawalang-halaga at bisa ang dangal ng tao. Kung ganoon na lang noong araw ang paggalang ng lahat ng mga Pilipino, mayaman man o mahirap sa bawat tao, kabaligtaran na ngayon. Halos bihira nang marinig ang magalang na pagsasalita at pagbabatian. Naging magaspang, maluwag, malaro at pabiro ang pagbubuo’t pagbibigkas ng salita na bumubuo ng wika.
Kaya ganoon na lang ang naging paalala ni Sen. Risa Hontiveros na hindi dapat ituring na biro ang usapin ng pagpatay sa tao, maliit man, hindi kilala o makapangyarihan, mayaman at sikat.
Nararapat ding ipagtanggol ng mga Marcos ang pambabastos sa kanilang ama na si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos. Sinumang patay na nakalibing na ay hindi dapat bastusin at insultuhin dahil unang-una, hindi nito kayang ipagtanggol at ipaglaban ang sarili.
At bakit ginawa iyon ng bise presidente na anak ng dating pangulo? Dahil siya ba’y likas nang walang galang o ginagamit niya ang kanyang puwesto at pagiging anak ng dating presidente upang ipakita kung paano maaaring gamitin ang kapangyarihan para sa anumang nais gawin ng mga makapangyarihan? Ganoon pala kahina ang dangal ng tao, ng bawat mamamayan ngayon. Kapangyarihan, puwesto, posisyon, salapi, antas sa lipunan ay higit na mahalaga sa dangal ng tao?
Maraming pinatay at walang galang ang mga paraan ng pagpatay sa kanila. Palalabasin pang “nanlaban” ang libu-libong pinatay, na salamat sa pagsusuri ni Doc. Raquel Fortun, kitang-kita sa mga tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan na imposibleng nanlaban ang maraming biktima.
Kapirasong karton na merong katagang “nanlaban” ang ipinapatong sa mga dibdib ng pinaslang ng mga naka-hood o naka-helmet na galing ang mga report sa mga presinto o mga asset ng mga pulis. Ganito na rin kababa ang narating ng ating mga institusyon na merong pananagutang ipagtanggol ang dangal, karapatan at buhay ng bawat mamamayan.
Kung titingnan natin ang antas at uri ng pulitika sa ating bansa, hindi kaaya-aya ang larawang magpapakita. Mga pamilyang may hawak at tila nagmamay-ari ng mga lalawigan, siyudad at bayan. Hindi paglilingkod kundi hanapbuhay, malaking “business” ang pulitika.
Pabalat-bunga lamang ang pagmamalasakit at paglilingkod sa kapwa. Sarili at pamilya ang pinakamahalaga at ilalaban ng patayan ang pananatili sa puwesto at paghawak sa mga lugar na nasasakupan. Hindi na natin kailangang pangalanan ang mga pamilyang ito. Sapat nang sabihin na halos lahat ng lugar ay katumbas na ng kilalang apelyido.
Kung ganito, paano magkakaroon ng paggalang, pagkilala at pagtatanggol ng dangal ng kapwa sa katauhan ng mga karaniwang mamamayan?
Malaking pagkukulang, pagkakasala ang pagpapabaya ng marami, ng hindi paghadlang sa mga kung sinu-sinong walang kakayahan at tila walang pagkilala sa dangal ng bawat isa na tumakbo sa iba’t ibang posisyon. Kaya ganu’n na lang maliitin, gawing biro at katatawanan ang mga naganap at patuloy na ginaganap na imbestigasyon sa Kamara at Senado.
Salamat sa iilang nagbabantay at ipinagtatanggol ang nalalabing integridad ng Senado. Salamat Sen. Risa sa katapangan, katalinuhan at ang hawak mong mga prinsipyo at paninindigan na hinding-hindi isinusuko sa harap ng mga bumastos, sumira, bumabalewala sa dangal ng bawat tao, ng bawat mamamayang Pilipino.
Comentários