Dalawang kahulugan ng lumutang sa baha
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | January 19, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jerico ng Naic, Cavite.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na nakalutang ako sa ulap, tapos natanaw ko sa ibaba na baha at bigla akong bumagsak. Nahulog ako sa baha pero nakalutang lang ako. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Jerico
Sa iyo, Jerico,
Ang panaginip mo na nakalutang ka sa ulap ay nangangahulugan na kulang ka sa pagdedesisyon kung saan hindi ka makabuo ng mahusay na desisyon at palaging palpak ang mga pasya mo.
Samantala, kung sa tubig ka naman nakalutang, nagpapahiwatig ito na maraming beses ka munang mag-isip bago magpasya upang hindi ka mabigo sa kalalabasan ng papasukin mong transaksiyon. Ang baha naman ay nangangahulugan na ang personal mong buhay ay magiging maayos at kasiya-siya kung malinaw ang tubig sa baha. Ngunit kung malabo ang tubig, ito ay nangangahulugan na may posibilidad na magkaroon ka ng karamdaman. Maaari kang magkasakit hanggang dalhin ka na sa hospital.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments