Dalagang may 2 foreigner… ‘Di makapili dahil parehas mayaman
ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | August 7, 2023
Dear Sister Isabel,
Ang problemang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa dalawa kong ka-chat sa Facebook, pareho nilang gustong pumunta rito sa Pilipinas para ikasal sa akin. Hindi ko alam kung sino sa kanila ang pipiliin ko, pareho silang mayaman at tinitingala sa kanilang lugar.
Ramdam ko na pareho silang seryoso sa akin kaya nahihirapan akong mamili, at mahal ko na sila pareho.
Sana ay matulungan n’yo ako sa pagpapasya. Malapit na silang pumunta rito sa ‘Pinas at malamang ay magkasabay pa.
Nagpapasalamat,
Lorna ng Cavite
Sa iyo, Lorna,
Sa totoo lang madali namang piliin kung sino talaga sa dalawa ang pakakasalan mo. Maging tapat ka sa iyong sarili. Kung sino talaga ang totoong tinitibok ng iyong puso, ‘yun ang piliin mo.
Hindi puwedeng sabihin mong pareho mo silang mahal, niloloko mo lang ang iyong sarili pag ganyan ang kat’wiran mo. Magpakatotoo ka, huwag kang maghangad ng material. Puso ang dapat gamitin kung kasalan na ang pag-uusapan. Aanhin mo ang yaman kung di mo naman talaga mahal ang pakakasalan mo?
Isa pa huwag kang masyadong magtiwala r’yan sa ka-chat mong mga foreigner. Kilalanin mo muna silang mabuti.
Oo, mayaman sila, pero kung ‘di ka naman pahahawakin ng pera at magiging sunud-sunuran ka lang sa kanya ay wala ring kuwenta. Mag-isip ka muna bago ka magpakasal, mahirap magsisi sa dakong huli.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo.




Comments