ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | Enero 20, 2024
KATANUNGAN
May boyfriend ako, pero parang ayaw niya pang mag-asawa, samantalang ako ay gusto ko nang mag-asawa. 33-anyos na ako habang 29 palang ang boyfriend ko at parang marami pa siyang pangarap at gustong gawin sa buhay.
Pero sabi ko sa kanya, kahit mag-asawa na kami, hangga’t hindi pa kami nagkakaanak ay magagawa pa rin naman niyang tapusin ang kanyang masteral at mag-review o mag-take ng board exam, pero tengang-kawali siya sa sinasabi kong ‘yun.
Kaya ang balak ko ay pilitin siya para maikasal na kami. What I mean is, gagawa ako ng paraan na hindi na siya makakaatras pa na pakasalan ako. Tama ba ang balak kong ito?
Gusto ko ring malaman kung siya na ba ang mapapangasawa at makakasama ko sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya?
KASAGUTAN
Hindi mo dapat pilitin ang iyong boyfriend sa isang bagay na hindi naman talaga niya gusto, lalo na kung ito ay may kaugnayan sa pag-aasawa o pagpapakasal. Dahil sa bandang huli, ang relasyon o buhay pag-aasawang papasukin n’yo, gayundin ang itatayo n’yong pamilya ang maaaring magdusa.
Kaya ang pinakamabuti mong magagawa ngayon ay hayaan mong magkusa ang iyong boyfriend na pakasalan ka dahil ito ang pinakamagandang relasyon o pag-aasawang gagawin ng isang lalaki. Kumbaga, ‘yung siya mismo ang nagpasya sa gusto na. Sa ganitong sitwasyon, tulad ng naipaliwanag na, higit na magiging matatag, maunlad at maligaya ang itatayo n’yong pamilya.
Ganundin ang posibilidad na maaaring mangyari sa hinaharap basta’t ‘wag kang magmadali sa kasalukuyan n’yong relasyon. Ito ang nais sabihin ng kaisa-isang maganda na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa pag-aasawa, ‘pag hindi ka nagpadalus-dalos ng pagpapasya, tiyak ang magaganap — sa piling ng iyong boyfriend, magtatagumpay ang papasukin n’yong pag-aasawa at habambuhay nang magiging maligaya ang itatayo n’yong pamilya.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Rachelle, ang inyong pagpapakasal ay nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2025, sa edad mong 34 at 30 naman ang boyfriend mo. Ang nasabing pag-aasawa ay may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya, (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at h-h arrow b.).
Komentar