top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Dahilan kaya ‘di umuusad ang career at 5 yrs. nang tambay

BULGAR
Aug 12, 2022
2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 12, 2022



Dear Maestro,


Nakapagtrabaho na ako ng isa at kalahating taon, pero ngayon, tumutulong na lang ako sa negosyo namin. Dahil mahina at palaging kulang ang benta, sinubukan kong maghanap ng trabaho, pero sa tuwing mag-a-apply ako, palagi akong bigo. Mahiyain kasi ako, pero pinipilit ko pa ring lumakas ang loob ko. Sa ngayon, parang walang nangyayari sa buhay ko dahil wala akong trabaho.


Gusto kong malaman kung makakapagtrabaho ba ako? Balak ko ring mag-apply sa abroad, may pag-asa ba akong makapangibang-bansa?


Sa totoo lang, parang nawawalan na ako ng pag-asa, palagi kasi akong bagsak sa mga interview at kung tutuusin, limang taon na akong nababakante. May pag-asa pa bang muling gumanda, umayos, lumigaya at umunlad ang buhay ko? September 22, 1989 ang birthday ko.


Umaasa,

Kristine ng Real, Cardona, Rizal


Dear Kristine,


Sadyang magiging magulo ang isip, karanasan at kapalaran mo, sapagkat ang birth date mong September 22, 1989 ay nasa pagitan ng dalawang zodiac sign na Virgo at Libra. Ito ang dahilan kaya magulo ang isip mo at on and off ang kapalaran mo sa career o propesyon.


Dapat kang mamili ng zodiac sign na yayakapin mo—Virgo ba o Libra? Madali ka namang makakapili kung susubukan mong silipin ang lagayan ng iyong mga damit. Kung mas marami ang kulay pula, piliin mo ang zodiac sign na Libra, pero kung mas marami ang puti o asul na damit, Virgo ang gamitin mo.


Analisahin mo rin kung sino ang iyong mga kaibigan, gayundin ang malalapit mong kasama na madalas tumulong sa iyo, kung sila ay isinilang sa mga zodiac sign na Taurus, Capricorn, Gemini, Pisces at Virgo, Virgo ang piliin mong zodiac sign. Habang kung ang mga taong malapit sa iyo ay Aquarius, Libra at Aries, Libra ang piliin mo.


Sa pagpili ng zodiac sign na paiiralin sa iyong buhay, gamitin mo ang mapalad na kulay, kung Virgo, tulad ng nasabi na, puti, asul at alahas na silver, at kung Libra naman, kulay na pula, pink, violet at iba pang kulay na hinango sa pula.


Hinggil naman sa iyong pirma, maganda na ‘yan. Ang kailangan na lang, imbes na “K”, palitan mo ng “S” ang nasabing letra. Pagkatapos, idugtong mo sa “S” ang bilog na buntot ng letrang “g”. Ibaba mo nang todo ang bilog na buntot upang mapunta sa ilalim ng guhit ng papel. Sa ganyang paraan, magiging korteng dollar sign ang unahang bahagi ng iyong lagda, at medyo bababa na ang bilog na buntot ng letrang “g”. Kapag nag-apply ka ngayon sa abroad, mabilis kang matatanggap hanggang sa tuloy-tuloy na kumita ng dollar at umasenso.


Kapag nakapili ka na ng zodiac sign na paiiralin sa iyong buhay at sinunod mo ang mga rekomendasyon sa itaas, tiyak ang magaganap sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 33 pataas — susuwertehin at aasenso ka na, magkakaroon ng regular na trabaho, magkaka-boyfriend, makakapag-asawa hanggang sa magkaroon ng masaya at panghabambuhay na pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page