Dagdagan pa ang mga public parks at open spaces para sa turismo
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 30, 2022
Noong nakaraang linggo ay idinaos ang kauna-unahang Philippine Parks Congress sa Rizal Park, Manila.
Layunin ng Parks Congress ang tipunin ang pribado at pampublikong sektor upang lumikha ng national framework para sa pag-develop ng urban parks sa bansa.
Nilalayon din nito na palakasin ang palitan ng kaalaman at best practices tungkol sa preserbasyon at paglinang ng mga public park, tourism site, at open spaces sa buong bansa.
☻☻☻
Lubos nating sinusuportahan ang pagtitipong ito.
Binigyang-diin ng pandemya kung gaano kahalaga ang mga park at open space sa ating mental at physical health.
Sa panahon na may panganib na dala ang mga saradong imprastruktura at building, ang mga open space ay ligtas na opsyon para sa mga kababayan natin at mga dayuhang bisita.
At pinatutunayan ng datos na nais ng mga kababayan natin na dumalaw at tumangkilik sa ating mga public park.
Ayon sa Department of Tourism, sa Rizal at Paco Park pa lamang ay umabot na sa 3 milyon ang bisita mula January hanggang November 2022, na doble ang bilang mula sa 1.5 milyong naitala sa parehong panahon noong 2021.
Bukod sa culture at history trip na alay ng mga public park, marami ring maihahain ang bansa natin na nature at adventure trip—mapa-trekking, dagat, ilog atbp.
☻☻☻
Makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy nating susuportahan ang adhikain na ma-preserba ang ating mga public park at open space, at madagdagan pa ang mga ito.
Ipinahayag natin sa mga dumalo sa pagbubukas ng Parks Congress na tayo ay makikipagtulungan upang makalikha ng mga batas at polisiya na magpapalakas sa framework ng parks development and preservation sa bansa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments