Dagdag-sahod, ‘wag gamitin sa pulitika
- BULGAR

- Feb 1, 2025
- 1 min read
by Info @Editorial | Feb. 1, 2025

Umusad na ang panukalang dagdag-sahod at marami ang nagulat na P200 ang inihihirit na umento.
May mga natuwa habang meron namang hindi naniniwala na maisasabatas ito lalo na raw sa kalagayan ng ekonomiya ng ating ngayon.
Tinawag ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na counterproductive at maaaring makaapekto sa ekonomiya ang panukalang dagdag na P200 across-the board sa arawang sahod ng mga trabahador ng pribadong sektor.
Maganda itong mapakinggan pero ilan lamang daw ang mabebenepisyuhan nito dahil ang mga manggagawa ngayon ay nasa informal sector.
Mahigit sa kalahating mga negosyante umano sa bansa ay nasa micro and small enterprises kaya mahirap sa kanila ang pag-implementa ng dagdag na P200.
Ang resulta, magtataasan ang presyo ng mga produkto o mas mabigat ay ang pagbabawas ng mga tauhan.
Bilang mungkahi, maganda raw na ipaubaya ang desisyon sa mga regional wage board kung saan binubuo ito ng gobyerno, employers at mga manggagawa. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang pinangangambahang baka ginagamit o magamit lang sa pulitika ang usapin.
Kailangang maging maingat sa pagdedesisyon, hindi puwedeng may sektor na madehado.
Habang pinag-aaralan ang panukala, sana’y mas paigtingin naman ang paghabol sa mga abusadong employer. Silang mga hindi nagpapasahod nang tama at ‘di nagbabayad ng buwis, tugisin na muna at panagutin.





Comments