Dagdag-sahod, tiyaking walang malalagay sa alanganin
@Editorial | March 20, 2022
Tiniyak ng mga mambabatas na hindi lamang sa National Capital Region (NCR) magkakaroon ng taas-sahod sa mga susunod na buwan.
Matapos ihirit ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na magkaroon ng wage increase sa NCR ay agad nagpatawag ng pagdinig sa Kongreso.
Sa isinagawang hearing ay nadismaya ang mga kongresista sa kabagalan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) sa pag-aaral ng nararapat na taas-sahod ng mga manggagawa.
Napag-alaman na 2018 pa huling nagkaroon ng wage increase at ngayon pa lamang ulit kumikilos kung kailan sobrang-taas na ng mga bilihin at serbisyo.
Gayunman, nais din nating siguruhin na kakayanin naman ng mga employer ang itatakdang umento.
Batid naman natin na lahat ay apektado ng non-stop oil price hike, na sinusundan ng taas-presyo sa mga bilihin at serbisyo. Kailangang balanse pa rin ang lahat at walang malalagay sa alanganin.
Kung may mga alternatibong paraan o mga hindi pa naibibigay na ayuda ay ilarga na. Tulad ng lagi nating sinasabi, walang ibang panahon para bumawi sa kabuhayan kundi ngayon na.
Kailangang magtulungan ang lahat, unawain ang sitwasyon at huwag mawalan ng pag-asa na magiging maayos din ang lahat.



Comments