top of page

Dagdag-pulis sa lansangan vs. krimen

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 22, 2024
  • 2 min read

by Info @Editorial | Sep. 21, 2024



Editorial

Tila hindi na natatapos ang balita ukol sa kaliwa’t kanang krimen sa ating bansa. 

Mula sa mga karumal-dumal na pagpatay, panggagahasa hanggang sa mga insidente ng pagnanakaw.


Ang mga ganitong pangyayari ay para bang nagiging bahagi na ng ating pang-araw-araw na buhay. 


Ang tanong, ano na nga ba ang nangyayari sa ating lipunan?Isa umano’y nag-uudyok sa paglaganap ng krimen ay ang kahirapan. Maraming mamamayan ang nahaharap sa kakulangan ng mga oportunidad, kaya’t ang ilan sa kanila ay napipilitan umanong gumawa ng labag sa batas upang makaraos sa buhay. 


Sa ganitong konteksto, kailangan nating pagtuunan ng pansin ang mga sistemang pang-ekonomiya at panlipunan na nagiging dahilan ng pagdami ng mga insidente ng krimen.Gayunman, hindi lang ito isyu ng kahirapan. Kasama rin dito ang kawalan ng tiwala ng tao sa mga institusyong dapat sana’y nagpoprotekta sa kanila. May mga hindi na nagtitiwala sa mga ahensya ng gobyerno na itinatag upang labanan ang krimen dahil sila mismo ay nasasangkot sa ilegal na gawain.


Sa kabilang banda, marami pa rin ang umaasa na hindi man tuluyang matigil ang krimen, kahit paano ay mabawasan. 


Hamon sa pamahalaan, mas palakasin pa ang mga hakbang upang masugpo ang krimen. Dagdagan ang mga pulis sa lansangan para kahit paano ay mag-alangan ang mga kriminal na gumawa ng kalokohan.


Mahalaga rin ang papel ng edukasyon. Kung ang kabataan ay magkakaroon ng sapat na kaalaman at kasanayan, mas malaki ang posibilidad na hindi sila mapapadpad sa maling landas. 


Dapat ding palakasin ang mga programa sa komunidad na nagtataguyod ng pagkakaisa at pagtutulungan.


Ang laban kontra krimen ay hindi lamang laban ng mga alagad ng batas kundi isang responsibilidad ng bawat isa sa atin. 


Ang pagkakaroon ng isang mas ligtas na lipunan ay nakasalalay sa ating sama-samang pagkilos, pagmamalasakit, at pagtutulungan.

ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page