Dagdag-capacity at wala nang barrier sa PUVs, mas dapat mag-ingat
@Editorial | November 4, 2021
Ngayong araw ang nakatakdang pagpapatupad ng dagdag-kapasidad sa mga pampublikong sasakyan.
Mula sa 50 porsiyento, ipatutupad na ang 70 porsiyentong passenger capacity sa jeepney, UV Express, bus at iba pang public utility vehicles (PUVs) sa Metro Manila at ilang kalapit-lalawigan.
Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang rekomendasyon ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipatupad ang unti-unting pagdagdag ng passenger capacity sa PUVs hanggang sa umabot sa full capacity.
Kailangan nang dagdagan ang passenger capacity sa PUVs dahil sa tumataas na demand sa pampublikong transportasyon kasabay ng pagluluwag ng quarantine restrictions at pagbubukas ng mga negosyo.
Grabe na ang pila sa mga sakayan at mahabang oras ang nasasayang.
Sa pamamagitan din ng dagdag-capacity ay madaragdagan naman ang kita ng mga drivers at operators na hindi na tinantanan ng taas-presyo sa petrolyo.
Una na ring inanunsiyo na hindi na required ang paglalagay ng plastic barriers, basta’t tiyak ang pagsunod sa physical distancing at health protocols laban sa COVID-19.
At sa mga pagluluwag na ipatutupad, umaasa tayong tulong at ginhawa ang maidudulot nito at hindi panganib. Kaya palagi pa ring sumunod sa mga panuntunan, habang nagluluwag, mas dapat mag-ingat, huwag pasaway.



Comments