Dagdag-butaw sa SSS at PhilHealth, resbak sa mga negosyante na tutol sa Maharlika Fund?!
- BULGAR
- Dec 10, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 10, 2022
DAGDAG-BUTAW SA SSS AT PHILHEALTH, RESBAK NG GOBYERNO SA MGA NEGOSYANTE—Halos magkasabay inanunsyo nina SSS President Michael Regino at PhilHealth Spokesperson Shirley Domingo, na pagpasok ng January 2023 ay magtataas sila ng butaw sa mga miyembro, 1% ang itataas sa SSS at 4.5% naman sa PhilHealth, at hindi mga manggagawa ang sasagot, kundi ang mga employer.
May kinalaman kaya sa isyu ang pagkontra ng iba’t ibang business organizations sa Maharlika Wealth Fund?
Kung ito ay may kinalaman, ang bilis ng resbak ng gobyerno sa mga negosyanteng kontra sa Maharlika Wealth Fund kasi magkakaroon sila ng dagdag-gastos sa dagdag-butaw sa SSS at PhilHealth.
◘◘◘
MAY PROBLEMA ANG MAGTIYUHING SINA SPEAKER MARTIN AT CONG. SANDRO, HINDI PAPAYAG ANG BSP NA PONDOHAN ANG MAHARLIKA WEALTH FUND—Sabi ng magtiyuhing sina Speaker Martin Romualdez at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ay sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kukunin ang malaking bahagi na ipopondo sa Maharlika Wealth Fund, kaya lang may problema sila kasi mismong si BSP Governor Felipe Medalla, na ang nagsabi na hindi siya papayag na ipasok dito ang kaban ng bayan para pang-invest ng pamahalaan dahil sa pangamba niyang makurakot lang ito, tulad sa nangyari sa Malaysia Investment Fund.
Dahil sa sinabi ni Medalla, hinangaan siya sa mamamayan dahil ipinakita niya ang pagmamalasakit niya sa pera ng bayan.
◘◘◘
MATAAS NA NGA ANG PRESYO NG MGA BILIHIN, BUWAN-BUWAN PA NAGTATAAS NG SINGIL ANG MERALCO—Noong Nobyembre 2022 ay nagtaas ng singil sa kuryente ang Meralco, P 0.0844 per kilowatt hour ang itinaas at ngayong Disyembre 2022 ay inanunsyo ng Meralco na may dagdag-singil na naman sila na P0.3297 per kilowatt hour.
Hay naku, sobrang taas na nga ng presyo ng mga bilihin, tapos buwan-buwan pang nagtataas ng singil sa konsumo sa kuryente ang Meralco.
◘◘◘
MAY OUTBREAK NA NG HANDS, FOOT AND MOUTH DISEASE, WA’ PA RIN HEALTH SEC—Hindi pa humuhupa ang COVID-19 pandemic sa bansa, sinabayan pa ito ng outbreak ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD).
Ang masaklap, may outbreak na ng HFMD, hanggang ngayon ay wala pa rin itinalaga si P-BBM na health secretary.





Comments