DA at DTI, palpak sa ‘price control’

@Editorial | November 29, 2020
Sa kabila ng mga krisis na dinaranas ng ating bansa dahil sa pandemya at mga sakuna, tuloy pa rin ang buhay. Mahirap man ang kasalukuyang sitwasyon, marami pa rin sa atin ang umaasang maitatawid ang Pasko.
At dahil ilang kembot na lang bago dumating ang araw na ito, paniguradong abala na naman sa mga pamilihan.
Kaugnay nito, pinuna ang kabiguan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na makontrol ang presyo ng mga bilihin, lalo na ang mga agriculture supplies.
Halos dalawang linggo nang walang magawa ang dalawang ahensiya ng gobyerno sa nagtaasang presyo ng bilihin sa mga pamilihan. Tila matatamis na salita lang ang napapala natin dahil walang natutupad na price control.
Nakadidismaya na mas malaki pa ang puhunan ng mga tindera kaysa sa mga suggested retail price (SRP) na ipinataw ng gobyerno.
Katwiran ng mga tindera, nagmahal ang presyo ng mga bilihin dahil sa kapos na supply ng mga produkto mula sa mga lalawigan dulot ng pinsala ng bagyo sa agrikultura habang mataas naman ang demand o pangangailangan ng publiko.
Mataas din umano ang mark-up cost ng mga middlemen sa pagbili ng mga gulay sa mga magsasaka.
Tunay na lahat tayo ay gipit, pero ‘wag na sanang maglamangan. At para naman sa mga ahensiya ng gobyerno, tungkulin ninyong bantayan ang presyuhan ng mga produkto at tugunan ang hinaing ng mamamayan. Masyadong nang nakadidismaya ang mga nangyayaring kapalpakan sa bansa, ‘wag n’yo nang dagdagan pa.



Comments