Cycling, Obstacle Course tatalakayin sa PSA Online

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 8, 2020

Punumpuno ang pagbabalik ngayong Martes ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Online Forum. Pag-uusapan ang mga pinakabagong pangyayari sa larangan ng Cycling at Obstacle Course Racing patungo sa sinasabing new normal.
Ipapakila ang PRURide PH Virtual Challenge kung saan maaaring magkarera sa bisikleta gamit ang PULSE app. Ipapaliwanag ang mga detalye nito nina PRU Life UK Chief Marketing Officer Allan Tumbaga at AVP for Brand and Advertising Kahlil Robles at ang kanilang sorpresang PRURide Ambassador,
Susundan ito ni Atty. Alberto Agra ng Pilipinas Obstacle Sports Federation (POSF). Ibabalita ni Atty. Agra ang mga ginawa at gagawin ng kanilang samahan sa kasagsagan ng pandemya at paano nalampasan ito ng kanilang mga atleta at ng komunidad ng Obstacle Course na umani ng maraming gintong medalya sa nakaraang 2019 Southeast Asian Games.
Bilang pangwakas, tatalakayin ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham Mitra ang matagumpay na pangalawang edisyon ng Philippine Professional Sports Summit na ginanap noong Sabado. Ipapaliwanag ni Chairman Mitra kung paano nila isasakatuparan ang mga naging bunga ng mga talakayan na ginawa online kasama ang mahigit 200 na kalahok.
Ang lingguhang PSA Online Forum ay mapapanood ng buo at live simula 10:00 ng umaga sa opisyal na pahina sa Facebook ng PSA at Radyo Pilipinas 2. Maaaring din balikan at panoorin muli ang mga nakaraang PSA Forum.





Comments