top of page

Cyberbullying sa mga kabataan, mas tumaas pa ngayong may lockdown

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 18, 2020
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | August 18, 2020


Nananawagan tayo sa lahat ng mga paaralan na maghigpit sa mga alituntunin nito pagdating sa anti-cyberbullying.


Bago pa magkaroon ng pandemya, suliranin na ito sa maraming kabataan ngunit mas pinangangambahang tumaas pa ang panganib ng karahasan at pang-aabuso sa cyberspace ngayong ang mga estudyante ay nananatiling nasa tahanan dahil sa banta ng COVID-19 at marami silang oras na gumamit ng internet.


Ang pagsugpo sa cyberbullying ay bahagi ng ligtas na pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya. Ngayong nananatili lamang ang ating mga mag-aaral sa kanilang mga tahanan, hindi nawawala ang posibilidad na makaranas sila ng cyberbullying at iba pang uri ng pang-aabuso at karahasan. Kaya lalong dapat na maipalaganap ang ating mga striktong hakbangin upang sila ay maprotektahan.


Ayon sa 2017 National Baseline Study on Violence Against Children ng ahensiyang Council for the Welfare of Children, 43.8 porsiyento ng kabataang Pinoy na may edad 13 hanggang 17 ang nakararanas ng cyber violence — ‘yung iba ay nakatatanggap ng verbal abuse sa internet, habang ang iba naman ay nakatatanggap ng mga seksuwal na mensahe. Nasa 2.5 porsiyento ang nagpapakita ng hubad na larawan ng sarili o gumagawa ng mga malalaswang aktibidad sa internet.


Base rin sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018, kumpara sa 79 na mga bansa, ang Pilipinas ang may pinakamataas na ulat ng bullying o 65 porsiyento ng mga Pilipinong high school students ang nakararanas nito ng ilang beses kada buwan.


Malaki ang epekto nito sa pag-aaral ng parehong estudyanteng gumagawa ng pambu-bully at ng estudyanteng biktima. Sinasabi sa pag-aaral na bumabagsak ang kanilang academic performance at lumalaki ang tsansa na sila ay lumiban sa klase at mag-drop out.


Sa ilalim ng Republic Act No. 10627 o ang Anti-Bullying Act of 2013, inuutos sa mga elementary at high school na magsagawa ng kani-kanyang polisiya na tutugon sa anumang anyo ng pambu-bully.


Minamandato sa kanila na magkaroon ng malinaw na estratehiya at pamamaraan sa pagbabantay at pagtugon sa mga ulat ng bullying, pagprotekta sa mga nakatanggap ng pang-aabuso upang hindi sila makatanggap ng anumang paghihiganti mula sa nakaalitan, magbigay ng counseling at iba pang angkop na serbisyo para sa biktima, kanyang pamilya at maging sa batang nang-abuso.


Nakasaad din sa naturang batas ang mandato sa Department of Education (DepEd) na pangasiwaan ang mga training programs, courses at iba pang aktibidad para sa mga school administrators, guro at iba pang kawani para tumaas at lumawak ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pagtugon laban sa bullying.


Sa ating mga mag-aaral, iwasan ang mga bully at iwasan ang maging bully. Maging bukas sa inyong mga magulang at ipagtapat ang mga pagsubok sa inyong pag-aaral.


Mahalagang ipaalam o isumbong sila sa inyong mga guro at magulang. Kung walang magsisiwalat nito, hindi natin masosolusyunan ang lumalaking problema tungkol sa bullying. Tumayo kayong matatag at huwag matakot gawin ang tama.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page